Home METRO Iloilo City isinailalim sa state of calamity sa dengue outbreak

Iloilo City isinailalim sa state of calamity sa dengue outbreak

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Iloilo City Council ang rekomendasyon ng City Disaster Risk Reduction and Management Council na ilagay ang Iloilo City sa state of calamity dahil sa dengue outbreak.

Sa deklarasyon nitong Agosto 28, 2024, pinapayagan na ang paggamit ng nasa P7 milyon na Quick Response Fund para sa pagbili ng mga kagamitan, testing kits, at medical supplies.

Magsasagawa rin ang Iloilo City Health Office (CHO) ng malawakang misting sa mga barangay. Gagamitin din ang pondo para sa mas marami pang misting machines.

Ayon sa local na pamahalaan, mayroon nang 30 misting machines para sa 24 barangay na magagamit raw-araw pero plano pa nilang bumili ng karagdagang 330.

“Nag-procure din kami 30. So, 60 na katao ang magdadala ng machine, so 24 barangays each day,” ayon kay Dr. Annabelle Tang, Iloilo CHO head.

Sa pinakahuling datos ng Iloilo CHO, mayroon nang mahigit 900 kaso ng dengue na naitala kung saan lima ang nasawi.

Samantala, sa buong probinsya ng Iloilo ay umabot na sa 6,816 ang kaso ng dengue hanggang noong Agosto 24, kung saan 17 ang nasawi.

Ang pinakamataas ay naitala sa Passi City sa 497 kaso. RNT/JGC