Home OPINION MAY MPOX NA, MAY LEPTOSPIROSIS PA

MAY MPOX NA, MAY LEPTOSPIROSIS PA

KABILANG sa mga pinoproblema natin ngayon ang mpox at leptospirosis.

Parehong nakamamatay ang dalawang sakit na ito kaya dapat tayong mag-ingat lahat.

Ang mpox, galing sa unggoy at daga habang galing sa ihi ng daga, aso at iba pang hayop ang leptospirosis.

Ang mpox, bigla na lang sumulpot sa mahal kong Pinas at may limang sunod-sunod na pasyente ngayon.

Ang masama rito, nakahahawa ito.

Ang leptospirosis naman, bagamat’t hindi nakahahawa, matagal nang umaatake sa Pinas.

ANG MPOX

Lumalabas na hindi pa talaga napag-aaralan nang husto ang mpox ngunit ang masama, mabilis na lumalaganap ang pinakahuling uri nito, ang clade 1b kung tawagin na nakamamatay, nakabubulag, nakae-epilepsy at iba pa.

Pangunahing sintomas nito ang parang tigdas na may nana na nakakalat sa buong katawan mula ulo hanggang talampakan at sumusunod na ang lagnat, sakit sa ulo, masel at likod, panghihina at bumubukol na kulani.

Kapag meron po tayong ganitong nararamdaman, magpatingin na po tayo sa doktor para magamot.

At iwasan ang makipag-sex, kahit sa asawa, lalo na sa lalaki sa lalaki, dahil dito mabilis ang hawahan at sumunod na ang balat sa balat na kontak, pagsusuot ng damit sa iba at iba pa.

Mahalaga rin ang palagiang paghuhugas ng kamay o paggamit ng alcohol o disinfectant.

Umiwas din tayo sa mga unggoy at daga.

May bakuna laban sa mpox pero kakaunti lang kaya kung may sintomas ka, pwede nang gamitin sa iyo ang bakuna sa small pox o tigdas.

ANG LEPTOSPIROSIS

Sa pakikipag-usap natin sa mga nabuhay sa leptospirosis, heto ang mga naranasan nilang sintomas.

Pag-ubo na may dugo, pananakit ng dibdib at hirap sa paghinga, paninilaw ng mata o balat, itim na dumi, mahirap na pag-ihi o may dugo sa ihi at butlig sa balat.

Kung sa palagay mo ay lumusong o nag-swimming ka sa baha o sa mga ilog na binaha at pagkatapos, eh, may sintomas ka na gaya ng nasa itaas, tumakbo ka na sa doktor o ospital.

Nagagamot naman ang leptospirosis ngunit malas mo lang kung magpabaya ka dahil maaaring maging serious ka sa ospital o kaya’y matuluyan ka nang makipagkita kay Lord.

HUWAG IPABALIKAT SA GOBYERNO O ISISI SA DIYOS

Maiiwasan naman talaga ang pagkakasakit sa mpox at leptospirosis.

Kaya nating umiwas sa mga sakit na ito basta sumunod lang tayo  sa mga gawaing iniaatang sa atin ng mga doktor at siyentista gaya ng pag-iwas sa men-to-men sex kaugnay ng mpox at pag-swimming sa baha naman sa leptospirosis.

Hindi dahil sa may Malasakit Center na may patakarang zero balance sa bayarin sa ospital, eh, lulusob lang tayo sa mga bawal na gawain.

Huwag ipabalikat sa gobyerno ang ating mga pagkakamali o ituro kaya ang Diyos na siyang may kagagawan  ng mpox at leptospirosis, maging ang pagkakasakit natin dito.