Home OPINION IMBESTIGASYON SA TUPAD SA QC NOONG PANDEMIC, ‘ANYARE?

IMBESTIGASYON SA TUPAD SA QC NOONG PANDEMIC, ‘ANYARE?

TEKA, teka natapos lang ang Covid-19 pandemic eh tila tinapos na rin o tila isinantabi na lang ng mga kinauukulan lalo na ang Office of the Ombudsman at Department of Labor and Employment ang naganap na anomalya hinggil sa TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers.

Tiyak marami sa mga mambabatas ang may kalokohan sa pagpapatupad ng TUPAD sa kanilang mga distrito lalo na noong panahon ng pandemya pero ang tumatak sa atin ay ang anomalya sa Quezon City.

Taong 2021 nang pumutok ang anomalya sa tatlong congressional districts – 1, 2 at 5 – sa QC dahilan para suspendihin ni DOLE chief noon na si Silvestre Bello III ang implementasyon ng TUPAD sa 3 distrito.

Sa ating pagkakaalam ay sumailalim sa imbestigasyon ng Ombudsman sina dating District 1 Rep. Onyx Crisologo, District 2 Rep. Precious Hipolito, na parehong natalo noong 2022 elections, at District 5 Rep. Alfred Vargas, na pinalitan sa pwesto ng kanyang nakababatang kapatid na si Rep. Patrick Michael Vargas.

Lumalabas ay hindi bababa sa P59-milyon ang nawalang pondo sa implementasyon ng TUPAD.

Ang malungkot ang pinagnakawan ay ang maliliit at mga hikahos sa buhay na mga manggagawa sa pamamagitan ng ’ghost beneficiaries’ at ‘di pagbigay ng tamang pasweldo.

Sa ating pagkakaalam ay nagsagawa rin ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation kina Vargas at mga kasama nito na ayon kay Bello ay may sapat na ebidensya sa diumano’y pagnanakaw ng pera ng bayan na inilaan ng DOLE sa mga manggagawang nawalan ng trabaho sa kasagsagan ng pandemya.

Ang TUPAD ay isang emergency employment program upang matulungan ang mga mahihirap na walang trabaho, mga nawalan ng trabaho dahil sa kalamidad at iba pang kadahilanan.

Subalit sinalaula lamang ng mga gahamang politiko sa QC ang TUPAD mismo noong panahon ng pandemya!

Ngayon, ano na bbalita mula sa Ombudsman, NBI at DOLE sa ginawang imbestigasyon, meron nga ba o ’drawing’ lang talaga.

May ginawa ring pago-audit ang Commission on Audit hinggil sa nawawalang pondo ng TUPAD, anyare?

Maaaring kasama sa mga tumatakbo ang mga mismong sangkot na politiko o di kaya ang kanilang kapatid o kamag-anak sa darating na May 2025 elections.

Kapag nagtagumpay sila, parang binibigyan na rin natin sila ng permiso o bendisyon na ipagpatuloy ang kanilang mga maling gawain.