“UMUUSOK” sa galit ang Philippine National Police — hindi laban sa mga kriminal at sindikato — kundi sa isang dumalo sa Christmas party suot ang police uniform bilang costume. Isang dayuhan, na nakatuwaang magsuot ng asul na uniporme sa isang masayang pagtitipon.
Tinukoy ng PNP ang Article 179 ng Revised Penal Code, nagbantang may katumbas na anim na buwang pagkakakulong ang lalabag dito — kaya mapapatanong ka tuloy: Bakit galit na galit kayo, PBGen. Jean Fajardo?
Gets naman namin: ipinagbabawal ng batas ang walang pahintulot na paggamit ng official uniforms. Pero ang intensiyon sa likod ng probisyong ito ng batas ay sawatain ang misrepresentation at maling paggamit na nakasisira sa dignidad ng uniporme ng pulis.
Ang tanong: Paninira ba sa reputasyon ng pulisya ang paggamit na ito sa uniporme nila?
Una, kung isinuot ng dayuhan ang uniporme sa party bilang costume, at worst, hindi ba isa iyong hindi diretsahang pagkilala sa pwersa ng pulisya sa bansa?
Ngayon, imagine, na halimbawa, ang dayuhan na ito ay miyembro ng diplomatic corps — hindi ba mas madaling isipin na ang kasaping ito ng isang dayuhang misyon ay nagbibigay ng lighthearted tribute sa ating bansa?
Sa totoo lang, kung ito ay isang high-ranking embassy official — maituturing pa ngang nakatataba ng puso iyon dahil tiyak na tataas ang impresyon sa uniporme ng PNP.
Ngunit ang ikinaaasar ko ay ang pagiging big deal sa PNP ng nangyari – ano ba ang nasa likod nang pagta-tantrums ng PNP sa media? Inirerespeto ko ang ating pambansang pulisya, pero huwag naman tayong magpanggap na walang bahid ang kanilang sektor, lalo na at mismong maraming “scalawags in uniform” ang unang sumisira sa kanilang imahe at sa kanilang uniporme.
Lumalala pa ang ‘irony’ kapag napaglimian natin kung gaano malayang nagagamit ang uniporme ng mga pulis sa mga pelikula, teleserye, o — ang makontrobersyal pa — sa mga kwento ng krimen na kinasasangkutan ng mismong mga tauhan ng pulisya. Sa maraming taon na ako ay news reporter, editor, at kolumnista, tinalakay ng kolum na ito ang napakaraming kaso ng pangingikil iligal na droga, at maging pagpatay.
At narito ngayon ang tagapagsalita ng PNP, naghuhurumentado dahil sa isang Christmas costume.
Nakapagtataka ang konteksto. Kung totoo ang mga bulung-bulungan at ang nag-costume party na ito ay tunay ngang isang high-ranking diplomat mula sa bansang napakalapit na kaalyado ng Pilipinas, ang reaksyon ng PNP ay nasa hangganan ng tone-deafness.
Sabihin na natin, halimbawa, na ang kaalyadong ito ay mula sa Japan — isang defense at economic partner na ang naipagkaloob na tulong ay nagpapalakas sa kapasidad ng ating depensang pandagat — ano ang kabuluhan nang pagpapalala ng PNP sa isang sitwasyon kapalit nang paglalagay sa alanganin sa ating ugnayang panlabas?
Sa halip na udyukan ang media na palakihin ang isang simpleng hindi pagkakaunawaan, marahil mas mainam na tutukan na lang ng PNP ang paglilinis sa hanay nito. Sa ngayon, ang tunay na krimen sa usaping ito ay ang pagpapalaki ng isang napakaliit na bagay.
Buti na nga lang at may isang tao na nagbigay-halagang suotin ang uniporme nila. Kung mga taong kakilala ko ang pinagsuot ng PNP uniform sa party, siguradong mapapa-“yuck!” sila.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).