MATAGUMPAY na inilunsad ng Department of Science and Technology sa pamumuno ni Secretary Renato Solidum, Jr. ang bagong programang “PROPEL” noong December 4, 2024 sa Maynila ballroom ng Manila Hotel.
Sa tema pa lang na “Accelerating innovations in the Philippines, Propelling innovations from the Philippines,” naniniwala tayong kaya nitong palakasin ang pwersa ng mga Filipino innovator na makipagsabayan sa buong mundo.
Layunin kasi ng programa na masolusyunan ang mga balakid na kinakaharap ng ating mga kababayan sa technology transfer at komersyalisasyon ng mga gawang Pinoy.
Aba, napakaganda ng balitang ito kasi mas maeengganyo at madaragdagan na ang suporta para makilala at kumita hindi lamang dito sa ating bansa kundi pati na rin sa buong mundo ang ating mga kababayang innovator.
Dati kasi, nauudlot ang interes ng isang innovator sa kaniyang mga likha, discovery o research dahil sa kakulangan ng resources at kadalasan pang nauuwi sa pagbebenta ng kanilang gawa at patent sa abroad.
Ibig sabihin, ibang bansa pa ang nakikinabang sa mga imbensyon at gawang Filipino.
Sa ating pagkakaunawa sa PROPEL, hindi na ito mangyayari kasi maaalalayan na ang ating mga kababayang innovator sa kanilang pagsisimula, mga proseso, funding at may bonus pang suporta para sa komersyalisasyon sa global market.
Hindi malayong magkaroon na tayo ng sariling e-vehicle car/motor engine, computer operating system, eco-friendly na household appliances, vaccine, system for renewable energy at iba pa ng dahil sa PROPEL.
Nagpapasalamat tayo sa kagawaran at kay Secretary Solidum, gayundin kay Technology Transfer, Communications and Commercialization Assistant Secretary Napoleon Juanillo, Jr. na nanguna para maisakatuparan ang programang ito.
Suportahan natin ang programang PROPEL. Ikalat natin dear readers ang magandang adhikaing ito para maengganyo, makapagsimula at mabigyan ng oportunidad ang lahat ng ating mga kababayang may likas na talento lalo na sa larangan ng science and technology.
Para sa akin, isang behikulo, pintuan at sandalan ang PROPEL para mapalago at lalong mapalakas ang ating ekonomiya. Isang programa na magpapatatag ng paniniwala na kayang-kaya nating panindigan, itaguyod at ipakilala sa buong mundo ang mga makabagong produktong nakapangalan sa Filipino sa ilalim ng kompanyang pagmamay-ari ng Filipino. Malaya na nating maihahayag at maipagmamalaki sa kanila na ang mga ito ay “sariling atin.”