MANILA, Philippines- Inihayag ni Senador Imee Marcos na wala itong sama ng loob kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang hindi banggitin ang kanyang pangalan sa speech nito sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas rally sa Trece Martires, Cavite.
“Ayos lang sa akin. Wala namang problema doon. Okay lang dahil nakatutok ako sa pagsisiyasat ng pagkuha kay FPRRD sa Pilipinas patungong the Hague. Unahin natin ang pagtanggol sa ating soberanya, kaysa sa pulitika’t kampanya,” ayon sa senadora.
Hindi pumunta si Imee sa rally na ginanap na capitol grounds ng Trece Martires City ngunit walang binanggit na pangalan nito sa ginawang endorsement speech ng chief executive.
Nangyari ito matapos pangunahan ni Senador Marcos ang imbestigasyon ng Senate Committee on Foreign Relations sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sanhi ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) noong March 11.
Masyadong kritikal sa administrasyon ang imbestigasyon ng Senado na tinawag na “pagsuko” kay Duterte.
Kasalukuyang nakakulong si Duterte sa The Hague sa kasong crimes against humanity hinggil sa madugong war on drugs na ikinamatay ng mahigit libo-libong indibidwal kabilang ang maraming menor-de-edad.
Inamin din ng senadora na hindi siya nag-uusap ni BBM sa matagal na panahon.
“Hindi na kami nag-uusap, matagal na,” aniya.
“Maraming nakapaligid sa kanya na humaharang sa aming mag-usap,” dagdag niya. Ernie Reyes