Home OPINION IMPEACHMENT CASE VS VP SARA PANAKIP-BUTAS

IMPEACHMENT CASE VS VP SARA PANAKIP-BUTAS

HINDI lang ang planong bugbugin ng husto si Vice President Sara Duterte para kapag hindi na ito makagulapay ay hindi na kwalipikadong tumakbong kandidato para sa 2028 Presidential Elections kaya naman pinagtutulungan na ito ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ang mga gumugulpi kasi kay Duterte ay pawang nag-aambisyon ng mas mataas na posisyon at siyempre naghahangad na magkaroon pa ng dagdag sa kanilang yaman sa pamamagitan ng “ayuda” na ipinangako sa kanila.

Kaya lang, akala nitong naghaharing uri sa Kamara ay kakayanin niyang paikutin sa kanyang mga palad ang mamamayang Pilipino kaya naman sinamantala nila ang mga lumalabas na imbestigasyon ng Quad Committee at ginamit sa pagsasampa ng impeachment complaint laban sa ikalawang Pangulo.

Higit sa lahat, pinikon pa nila si Duterte kaya nakapagsalita ng hindi maganda laban sa pamilya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nanawagan na rin na huwag ituloy ang impeachment dahil magiging dahilan ito nang lalong pagkakawatak-watak ng sambayanang Pilipino.

Tumahimik ang impeachment sa loob ng ilang linggo subalit bigla na lang isinampa nang nagkabukingan sa 2025 General Appropriation Act na maraming blangko at pwedeng pwedeng singitan na lang ng nais nilang proyekto.

Kaya naman, sabi ng mga nakauunawa sa batas, ito na ang pinakamalala at lantarang korapsyon sa pamahalaan.

Ibig sabihin, kaya mabilis at bigla ang pagsasampa ng impeachment complaint laban kay VP Sara ay upang ito ang pag-usapan at hindi ang ginagawa nilang pagmamadyik sa pondo ng gobyerno na galing sa “dugo at pawis” ng taumbayan.

Sa madaling salita, panakip-butas lang ang pagsasampa ng kaso laban kay Duterte upang hindi matalakay ang totoong isyu at kaganapan sa pamahalaan.

‘Di ba ang talino nila? Ipinatawag pa ang vloggers upang takutin sa imbestigasyon ng HuwadCom este QuadCom upang hindi na ang mga ito magsabi o maglabas pa ng mga balita nila laban sa pamahalaan.

Pero para sa kaalaman ng nakararami lalo na ang magagaling na mambabatas, gising na gising sina Juan at Juana dela Cruz at handang gumanti sa mga mambabatas na tumarantado sa pondo ng bayan.