MANILA, Philippines – HINDI hinahadlangan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang proseso ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa press briefing sa Philippine International Convention Center sa Pasay City, pinabulaanan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang pahayag ng mga mambabatas mula sa Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na di umano’y ang pakikialam ni Pangulong Marcos ang dahilan ng pagkaantala sa impeachment proceedings laban kay VP Sara.
“He (Marcos) is not blocking. He cannot do that because it is the discretion of the collective of the lower house. If they decide to initiate, there is no way of preventing that,” ang sinabi ni Bersamin.
Ipinahahayag lamang aniya ni Pangulong Marcos ang pananaw nito sa impeachment move subalit hindi dinidiktahan ang Kongreso na ipagpaliban ang proseso ng reklamo.
Sinabi pa niya na may karapatan ang Kongreso na mag-endorso ng impeachment complaints laban kay VP Sara.
“You know, that under the constitution, the impeachment must emanate from the lower house, okay? Now, if the President has made the statement at all, about that process, it is only an opinion that he stated because he probably the thinking of the President is that might be distracting us from our agenda or our move forward,” aniya pa rin.
“We cannot dictate on the lower house. It is co-equal, belongs to a co-equal branch of government. All we were saying, the President was saying to the lower house, this is my position,” ang sinabi ni Bersamin.
Matatandaang, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi ito pabor sa anumang balakin na i-impeach o patalsikin sa puwesto si VP Sara dahil maaapektuhan umano ang trabaho ng mga kongresista at senador.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na hindi ikagaganda ng buhay ng mga Pilipino ang pag-impeach kay Duterte.
Kinumpirma rin ni Marcos ang text message na hinikayat niya ang mga mambabatas na huwag maghain ng impeachment complaint laban kay VP Sara.
Sa ulat, ang posibleng paghahain ng impeachment complaint laban kay Duterte ay bunga ng hidwaan ni VP Sara kina Marcos at pinsan nito na si Speaker Martin Romualdez.
Sa Kamara nagmumula ang reklamong impeachment, na kapag naaprubahan ay dadalhin sa Senado upang “litisin” ang opisyal na nais tanggalin sa posisyon.
Ang mga impeachable official sa bansa ay ang Presidente, Bise Presidente, mga miyembro ng Supreme Court, mga miyembro ng Constitutional Commissions, at ang Ombudsman.
Bukod sa usapin ng kung papaano o saan ginamit ni Duterte ang kaniyang confidential funds na iniimbestigahan ng mga kongresista, naging kontrobersiyal ang isiniwalat ng bise presidente na may kinausap na siyang papatay kina Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Romualdez, kung may masamang mangyayari sa kaniya. Kris Jose