
SINABI mismo ni Senate President Chiz Escudero na walang gagawing paglilitis sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte habang naka-adjourn ang Kongreso, kasama ang Senado.
Nagaya ang impeachment sa isang tao na nasa emergency na kalagayan na itinatakbo sa ospital ngunit namatay pagdating doon.
Alas 5:49 ng hapon nang dumating ang kopya ng impeachment at tinanggap ni Senate Secretary Renato Bantog ngunit hindi na naiulat sa plenaryo bago nagtapos ang sesyon dakong alas-7:00 ng gabi.
Maaari umanong matalakay ang impeachment complaint sa Senado sa pagbabalik ng sesyon sa Hunyo 2, 2025 hanggang Hunyo 13, 2025 ngunit ang problema, eh, mag-a-adjourn ulit sila sa Hunyo 14, 2025 hanggang Hulyo 27, 2025.
Sa ikli ng panahon na ‘yan, maisisingit ba ang impeachment sa gitna ng maraming priority bill na kailangang talakayin at aprubahan bago dumating ang ika-20 Kongreso?
Sa kabila nito, lumilitaw na may nagpipilit na isingit ang impeachment kahit naka-adjourn ang Kongreso, ngunit mababali ba nila ang paninindigan ni Escudero?
Samantala, tiyak nang magkaroon ng malaking pagbabago sa membership ng Senado dahil sa pagpasok ng 12 bagong halal na senador mula sa eleksyong Mayo 12, 2025.
Gagraduate na sa Hunyo 30, 2025 sina Senador Nancy Binay, Pia Cayetano, Ronald dela Rosa, Bong Go, Lito Lapid, Imee Marcos, Koko Pimentel, Grace Poe, Bong Revilla, Francis Tolentino at Cynthia Villar.
Sa mga kumandidato sa mga ito para magbalik-Senado, maaaring may malaglag at papalitan sila ng mga bago.
Dito na walang makatitiyak sa magiging desisyon sa impeachment, sakaling bubuhayin ito sa darating na ika-20 Kongreso.
Kapag muling binuhay ang impeachment at litisin, maaari rin bang maulit ang nangyari noong in-impeach si namayapa nang Chief Justice Renato Corona?
Ayon kay noo’y Sen. Jinggoy Estrada makaraang masibak si Corona, nagkaroon ng P50 milyong pork barrel na Priority Development Assistance ang mga bumoto laban kay Corona.
Dapat bantayan ang kabalbalang ito, mga brad.