Home OPINION BIG BUSINESS TUMAYO VS AYUDA SA HALALAN

BIG BUSINESS TUMAYO VS AYUDA SA HALALAN

PAKIKINGGAN kaya ni Pangulong Bongbong Marcos ang panawagan sa kanya ng malalaking negosyante at non-government organizations na huwag ipatupad ang mga ayuda at proyektong isiningit sa 2025 pambansang badyet?

Ito’y para maiwasan umanong gamitin ang mga ito ng mga politiko na pambingwit ng boto sa halalang Mayo 12, 2025.

Heto, mga Bro, ang mga pumirma sa nakasulat na panawagan: Makati Business Club, Financial Executives Institute of the Philippines, FinTech Alliance PH, Justice Reform Initiative, Management Association of the Philippines, Philippine Business for Social Progress and University of the Philippines School of Economics Alumni Association.

Kabilang ang mga ito sa pinakamalalaki at pinakamaimpluwensyang negosyante, propesyunal, organisasyon at iba pa na kung magsalita ay may epekto sa bunga ng halalan.

PAGSINGIT-SINGIT SA BICAM

Hinihiling din nilang itigil na ang pagsisingit-singit o insertion ng mga proyekto at ayuda sa mga nililikhang Bicameral Conference Committee o Bicam sa pagbuo ng taunang pambansang badyet.

Ngayong 2025 budget, isa sa mga tinukoy nilang isiningit ang halagang P289 bilyon proyekto para sa Department of Public Works and Highways.

Maalaalang binabatikos ni dating Senador Ping Lacson ang maraming proyekto sa DPWH dahil may nangongomisyon umanong mga mambabatas sa mga ito, na naging karanasan mismo ni Vice President Sara Duterte sa mga proyekto ng Department of Education.

Binibira rin ni Senator Imee Marcos ang P26B Ayuda para sa mga Kapos ang Kita Program na inaprubahan sa Bicam ng nakararaming kongresman at senador matapos na magkaroon ng P5B parte ang mga senador dito.

Sinabi pa ng grupo na maitutulad ang mga isiningit sa pork barrel na minsang tinawag na Priority Development Assistance Fund at idineklarang labag sa Konstitusyon ng Supreme Court.

TINIGBAK SA BICAM

Paliwanag pa ng grupo, kinikilala nila ang pag-veto ng Pangulo sa P26B sa isiningit na P289B pondo para sa Department of Public Works and Highways ngunit hindi pa rin natutugunan ang mahahalagang serbisyong bayan na tinanggalan ng pondo.

Paliwanag ng grupo, sa 2025 Bicam, binawasan o tinanggal ng mga miyembro ng komite ng napakalalaking halaga ang mga programa na pangkalusugan, serbisyong pangmamamayan at proyektong pang-edukasyon ng halagang mahigit sa P200 bilyon.

Maalaalang sinibak sa Bicam ang P74B panukalang badyet ng PhilHealth, P10B Computerization Program ng Department of Education, na P10B at ginawang P64B ang panukalang P114B para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Sa huli, sinabi ng mga grupo na dapat maging bukas sa publiko ang mga miting ng Bicam na sa ngayon ay sarado sa publiko at walang inilalabas na ulat sa mga pinag-uusapan at doon nagaganap ang mga kuwestiyonableng insertion o pagsingit-singit ng mga proyekto at pagtigbak sa mga kinakailangang pondo para sa mamamayan.

Dapat din umanong isama ang taumbayan at pakinggan ang kanilang boses sa mga talakayan sa badyet at hindi lang ang iilang mambabatas ang magpapasya at masusunod dito.

Ano nga kaya ang gagawin ng Pangulo sa panawagan?