Home Uncategorized Shear Line, Amihan, Habagat makaaapekto sa Pinas

Shear Line, Amihan, Habagat makaaapekto sa Pinas

MANILA, Philippines — Tatlong weather system ang magdudulot ng maulap na kalangitan at pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa Biyernes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Apektado ng Shear Line ang Southern Luzon at Visayas, ang Northeast Monsoon (Amihan) ang tatama sa natitirang bahagi ng Luzon, habang ang Easterlies naman ang magdadala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng Mindanao.

Makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pulu-pulong pagkidlat at pagkulog ang Visayas, Bicol Region, CALABARZON, MIMAROPA, Dinagat Islands, at Surigao del Norte dahil sa Shear Line, na may posibilidad ng pagbaha o pagguho ng lupa dulot ng katamtaman hanggang sa malakas at minsan matinding pag-ulan.

Sa Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, Bulacan, at Bataan, magdadala ang Northeast Monsoon ng maulap na kalangitan at pag-ulan, na maaari ring magdulot ng pagbaha o pagguho ng lupa mula sa katamtaman hanggang malakas na buhos ng ulan.

Ang nalalabing bahagi ng Luzon ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong mahihinang pag-ulan ngunit walang inaasahang malaking epekto. Sa Mindanao, asahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog, kung saan maaaring magdulot ng pagbaha o pagguho ng lupa kapag may malalakas na bagyo.

Malakas na hangin mula sa silangan hanggang hilagang-silangan ang mararanasan sa silangang bahagi ng Southern Luzon at Visayas, na may maalon na katubigan. Sa Hilagang Luzon at silangang bahagi ng Central Luzon at Mindanao, katamtaman hanggang malakas na hangin ang inaasahan na may katamtaman hanggang maalon na karagatan.

Ang natitirang bahagi ng bansa ay makakaranas ng mahina hanggang katamtamang hangin na may bahagyang hanggang katamtamang pag-alon sa dagat. RNT