MAHIHIRAPAN na umano ang sinoman na magsampa ng impeachment sa impeachable officials mula sa Pangulo, Pangalawang Pangulo, hukom ng Supreme Court, mga komisyoner ng Commission on Elections, Commission on Audit at Civil Service Commission at Ombudsman.
Ayon ito kay Senate President Tito Sotto na nagsabing gumawa ang Supreme Court o SC ng mga patakaran na hindi naman umano itinatadhana ng Konstitusyong 1987.
Bunga nito, “impossible dream” na ang pagsasampa ng impeachment at pagpapanagot sa dapat managot na impeachable official.
Naging problema lang ang kawalan ni Sotto ng malinaw na mga batayan ng mga sinasabi nito na impossible dream at judicial overreach o paggawa ng SC ng mga patakarang nasa labas ng Konstitusyon.
Ginawa ni Sotto ang pahayag makaraang muling magdesisyon nang nagkakaisa o unanimous ang 13 Hukom ng Supreme Court na nagbasura sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa desisyon noong 2025, sinabi ng SC na hindi naaayon sa Konstitusyon ang ika-4 na impeachment dahil labag ito sa itinadhana ng Konstitusyon na nagsasabing hindi pupwedeng sampahan ang isang parehong impeachable official sa loob ng isang taon at kawalan ng due process o patas na paglilitis kay VP Sara.
Sa desisyong 2026, binago ng SC ang petsa ng pagsasampa ng kaso mula Pebrero 6, 2026 sa Enero 14, 2026 batay sa petsang maituturing na inihain ang unang impeachment complaint na may petsang Disyembre 2, 2024 na hindi inaksyonan sa loob ng 10 session day at pagtanggal ng due process.
Sa huli, sinabi ng SC na pinal na at ipatutupad agad ang desisyon at ang desisyong 2026 ang susundin sa anomang isasampang impeachment complaint.
Ito naman ang dapat na tandaan siguro ni Sotto.
Mas marunong ba siya sa 13 Supreme Court justice na na nagkakaisang nagsabi na labag sa Konstitusyon ang impeachment complaint ng Kamara laban kay VP Sara?






