Home NATIONWIDE Impeachment trial ni VP Sara ‘di kontrolado ni PBBM – Malakanyang

Impeachment trial ni VP Sara ‘di kontrolado ni PBBM – Malakanyang

305
0

MANILA, Philippines- Wala sa mga kamay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang impeachment ni Vice President Sara Duterte.

“Maliwanag po ang sinabi ng Pangulo na sa simula po ay ayaw niya talaga po ng impeachment dahil maaaring mayroon pong ibang mga legal na pamamaraan para mapanagot ang dapat mapanagot. Pero ngayon po, ang Bise Presidente po ay impeached na, wala na po sa Pangulo ito,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

“Iyon naman po ay kaniyang suggestion lang, kung maaari ay ayaw niya ng impeachment. Ang sabi po ng Pangulo, proseso,” dagdag na wika nito.

Giit pa ni Castro, walang kapangyarihan ang Pangulo sa anumang impeachment proceeding.

“The impeachment trial is not the business of the Executive. Hindi po makikialam ang Pangulo patungkol po diyan, pero sinabi po niya na dapat umandar ang proseso, irespeto ang due process,” aniya pa rin.

“So, ito po ay nasa kamay na ng mga prosecutors, nasa kamay na po ng Senado. ‘Pag sinabi po nating proseso, dapat sundin ang batas,” ang tinuran ni Castro.

Binigyang-diin pa ni Castro na ang taumbayan ang titingin at maghuhusga sa mga taong nasa loob o maaaring gumalaw para sa impeachment trial.

“Ang mga prosecutors dapat gampanan ang kanilang trabaho bilang prosecutors; ang mga senador bilang judges ay dapat ding gampanan ang kanilang trabaho bilang senators-judges. Proseso po ang nais ng Pangulo,” anito.

Nauna rito, sinabi ni VP Sara na siya ay walang inaasahan at buong tapang na haharapin ang kanyang impeachment trial matapos na maiproklama ang 12 bagong senador.

Iginiit niyang mananatili siyang ‘at peace’ kahit ano man ang maging kalabasan ng trial.

Dagdag pa ni VP Sara, hindi niya alam kung paano boboto ang mga senador at mali din aniyang bilangin agad ang boto dahil wala pang mga sapat na ebidensya na hawak ang Kongreso at wala pang naipakikita ang prosekusyon at lalong hindi pa alam ng publiko kung anong klaseng depensa ang kayang gawin ng kaniyang panig.

Binigyang-diin din ng Bise Presidente na nais niyang matuloy ang trial para magkaroon ng isang ‘bloodbath’ sa kongreso.

Tiniyak rin ng opisyal na siya at ang kanyang legal team ay ‘fully engaged’ sa mga preparasyon para sa inaasahang trial sa katapusan ng Hulyo taong kasalukuyan. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here