Home NATIONWIDE Importer, broker, at kawani ng customs kinasuhan ng BOC sa misdeclared sibuyas,...

Importer, broker, at kawani ng customs kinasuhan ng BOC sa misdeclared sibuyas, karot

1
0

MANILA, Philippines – Nagsampa ang Bureau of Customs (BOC) ng anim na reklamong kriminal sa Department of Justice (DOJ) laban sa importer, mga kinatawan nito, customs broker, mga opisyal at kawani ng Customs at iba pang indibidwal na umano’y sangkot sa pagpasok ng mga produktong agrikultural na idineklarang “chicken lollipops.”

Isinampa ang mga kaso noong Setyembre 22, 2026 sa ilalim ng pamumuno ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno.

Ayon sa BOC, ginamit umano ang maling deklarasyon upang itago ang nasa 15,029 sako ng sariwang puting sibuyas at 2,164 kahon ng sariwang karot na walang kinakailangang regulatory clearance.

Ang anim na shipment na nakapangalan sa Berches Consumer Goods Trading ay dumating noong Hunyo 2025. Sa isinagawang pisikal na pagsusuri, natuklasan ang mga produktong agrikultural na hindi umano saklaw ng kinakailangang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) mula sa Bureau of Plant Industry.

Iniuugnay ng BOC ang mga reklamo sa paglabag sa Section 1401, kaugnay ng Sections 1400 at 117 ng Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), dahil sa umano’y fraudulent misdeclaration at pag-aangkat ng mga regulated agricultural products nang walang kaukulang clearance.

Kinasuhan din ang mga sangkot na opisyal at kawani ng Customs sa ilalim ng Section 1431 ng CMTA dahil sa umano’y kapabayaan sa tungkulin at pagpapahintulot sa ibang tao na makalabag sa batas.

Kasabay nito, inirekomenda rin ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ang kaukulang administrative charges laban sa mga tauhan ng BOC na sinasabing sangkot sa naturang insidente.

Binigyang-diin ni Nepomuceno na walang pagtatakpan sa BOC at pananagutin ang sinumang mapatutunayang sangkot sa smuggling, kabilang ang mga opisyal at kawani ng ahensya.

“Wala tayong pagtatakpan at hindi natin kukunsintihin ang anumang paglabag,” pahayag ni Nepomuceno, habang iginiit na importer man, broker o kawani ng Customs ay sasailalim sa tamang proseso kapag may sapat na ebidensya.

Sa pagsasampa ng anim na bagong reklamo, umabot na sa 96 criminal cases na may 288 respondents ang naihain ng BOC.

Samantala, iniulat ng ahensya na umabot na sa ₱13.7 bilyon ang halaga ng mga nasabat nitong kontrabando at misdeclared goods mula 2025 hanggang 2026.

Patuloy rin umanong pinapalakas ng BOC ang border protection at internal accountability sa pamamagitan ng Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) Movement upang mapigilan ang smuggling at maprotektahan ang mga lehitimong negosyante at mamimili. JAY Reyes/larawan kuha ni ERIC OCAPAN

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here