MANILA, Philippines — Itinuturing na ngayong person of interest ang isang car sales agent sa pagpatay kay Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido, na iniulat na nawawala bago natagpuang patay sa Pulilan, Bulacan.
Iniimbestigahan ng pulisya ang iba’t ibang anggulo, kabilang ang posibleng motibo na may kinalaman sa pera.
“Since nagkaroon ng transaction, tinitingnan natin ang anggulo na dahil po ito sa pera,” ayon kay Southern Police District spokesperson Lieutenant Margaret Panaga.
Ang agent, na nagsilbing middleman sa pagbebenta ng sasakyan ng biktima, ay inaanak din nito.
“Inaanak ng victim sa kasal ‘tong agent po. ‘Yung trust po nandoon since kakilala po ni victim ‘tong si agent, siya po naging middle man sa pagbebenta ng sasakyan nila,” dagdag ni Panaga.
Nawawala pa rin ang agent. Nagsagawa ng search ang mga awtoridad sa kanyang bahay sa Quezon City, kung saan huling nakita si Mollenido nang buhay, gamit ang search warrant.
Ang mga bakas ng dugo na natagpuan ay isasailalim sa DNA testing.
“For confirmatory pa po ‘yun kung ito po ay human blood. Ima-match po sa DNA ng victim,” ani Panaga.
Hindi pa matukoy ng pulisya ang uri ng baril na ginamit, dahil walang natagpuang empty shell casings.
“As per initial autopsy report, isang tama lang po siya, sa may taas po ng tenga, bandang kaliwa at tumagos sa collar bone,” ani Panaga.
Kinilala ng dating asawa ng biktima, Police Senior Master Sergeant John Mollenido, na kabilang siya sa mga person of interest sa kaso.
“Kasi ‘yun nga, dati kong asawa. May mga bagay na di namin napagkakaunawaan. Naawa ako kasi doon sa sinapit niya, di naman niya deserve yung ganung ano,” ani Mollenido. Mary Anne Sapico