MANILA, Philippines- Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado na ang kasalukuyang opisyal ng Negros Oriental na nag-viral sa kanyang pagmumudmod ng P500 bills ay hindi teknikal na gumawa ng isang paglabag sa mga batas sa halalan.
“Hindi pa covered ng election laws kung tutuusin,” pahayag ni Comelec Chairman George Garcia sa panayam nang tanungin kaugnay sa pamamahagi ng pera ng naturang kandidato.
Idinagdag ni Garcia na hindi pa ito itinuturing ng provincial official na kandidato at ‘aspirant’ lamang dahil hindi pa nagsisimula ang kampanya para sa local elective posts sa Marso 28.
Binanggit din ang desisyon ng Supreme Court o ang tinawag na Peñera Doctrine na nagsasaad na ang isang tao na naghain ng kanyang certificate of candidacy ay itinuturing na kandidato lamang kapag ang panahon ng kampanya ay nagsimula, kaya isinailalim sila sa mga batas sa halalan.
Gayunman, maaari pa rin aniyang magsampa ng reklamo ang mga residente o ang DILG. Jocelyn Tabangcura-Domenden