MATAGUMPAY na nasungkit ng Lungsod ng Malabon ang Guinness World Record para sa may pinakamahabang linya ng tasa ng noodles nang maitala ang 6,549 na tasang naglalaman ng bantog na Pancit Malabon.
Sinimulan ang preparasyon sa paglalagay ng Pancit Malabon sa mga tasa na naglalaman ng minimum na 100 gramo ng luto ng noodles, pasado alas-11 ng tanghali sa Malabon Sports Complex, na nilahukan ng 12-bantog na mga panciteria sa lungsod na may kanya-kanyang paraan ng
pagluluto na dinarayo ng kanilang mga parokyano.
Ayon kay Mayor Jeannie Sandoval, nilagpasan nila ang hawak na rekord
ng Jinshi Beef and Rice Noodles Association ng China na mayroon lamang 3,988 na linya ng mga tasa ng noodles.
Sinabi ni Mayor Jeannie na hindi lamang ang pagsungkit sa bagong
rekord ang kanilang ipinagdiriwang kundi higit ang kanilang mayamang
kultura, bantog na mga pagkain, at ang walang hangganang pagtutulungan at bayanihan na sumisimbolo at tumutukoy kung ano ang Malabon.
“Nais din po nating maitala ang Malabon sa mapa ng buong mundo bilang isang lungsod na mayaman sa sining ng pagluluto at nagawa po natin yan ngayong araw,” sabi pa ng alkalde.
Noon pa man ay bantog na, hindi lang sa mga karatig lungsod at lalawigan ang Pancit Malabon kundi sa buong kapuluan, na dahilan ng pagdami ng mga panciteria nagbebenta ng ganitong uri ng pagkaing na
may mga sangkap na malalaki o maliliit na noodles, hinimay na tinapa,
chicharon, red palm oil, kropek, paminta, fish sauce pusit, hipon, at
kalamansi.
Pinangasiwaan ni Guinness adjudicator Sonia Ushirogochi ang naturang kaganapan na kanyang masusing sinuri ang mga pamamaraan at paghahanda
bago kumpirmahin ang tamang bilang ng linya ng mga tasa. RNT