BAMBANG, Nueva Vizcaya – Bangkay na nang matagpuan ang katawan ng isang dayuhang binatang Indian National o bombay na pinaniniwalaang nahulog sa bangin habang bumabaybay sa kahabaan ng Purok Pag-asa sa Brgy. San Fernando, Bambang, Nueva Vizcaya.
Nakilala ang biktima na si Satwant Singh, 23-anyos, walang asawa, nagpapautang o “5-6” at pansamantala naninirahan sa Brgy. Banggot, Bambang, Nueva Vizcaya.
Nakita ng mismong mga kaanak ang wala nang buhay na katawan ng biktima na nakahandusay sa bangin malapit sa ilog na may lalim na higit kumulang 15 talampakan mula sa kalsada.
Ayon sa salaysay ng mga kaanak, nang umalis sa kanilang lugar ang biktima at nagtungo sa mga kalapit na barangay para maningil sa mga pinautangan subalit hindi na ito nakauwi pa ng hapon.
Sa parehong araw ay nagtungo sa himpilan ng pulisya ang mga kaanak ng biktima upang humingi ng tulong dahil sa hindi pa nakakauwi ang kanilang kaanak na dapat ay nakabalik na sa kanilang tahanan ng alas-3:00 ng hapon.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, batay sa mga saksi, habang binabagtas ng biktima ang pakurbang bahagi ng daan sakay ang minamanehong kulong-kulong ay dumeretso umano ito sa matarik bangin. Rey Velasco