MANILA, Philippines – ITINUTURING ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga magsasaka bilang pundasyon para palakasin ang ekonomiya ng Pilipinas.
“Nawa’y maging inspirasyon ang mga titulo at tulong na ito upang lalo pa ninyong pagibayuhin ang inyong pagsisikap sa sarili para sa inyong mga pamilya at kasama na rin para sa ating bansa,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati sa isinagawang pamamahagi ng titulo ng lupa sa Dumaguete City.
“Kayo ang pundasyon ng mahigit na 100 milyong Pilipino, ang inyong mga ani ang nagpapalakas sa ating mga mamamayan at ang inyong mga sakripisyo ang nagpapalakas sa ating ekonomiya,” dagdag na wika nito.
Namahagi si Pangulong Marcos ng 2,866.5 ektarya ng agricultural lands sa 2,426 agrarian reform beneficiaries sa rehiyon.
Pinangunahan din ng Pangulo ang turnover sa farm-to-market roads na nagkakahalaga ng P100 million at kabuuang P17.5 milyong halaga ng ‘farm machinery at equipment.’
Samantala, sinabi ng Department of Agrarian Reform na may pitong FMRs ang itinayo at pinondohan sa ilalim ng Agrarian Reform Fund. Ang lahat ay itinayo sa Negros Oriental sa munisipalidad ng Amlan, Dauin, Ayungon, Tanjay, Bais City, Tayasan at Bindoy. Kris Jose