Home OPINION IPALIWANAG DAPAT NI GOB. RAMIL

IPALIWANAG DAPAT NI GOB. RAMIL

“SUMABOG” na parang bomba ang nakatatakot– at nakahihiyang– balita kahapon na “pinasok” ng ‘Akyat-Bahay’ ang bahay ni Laguna Governor Ramil Hernandez sa Bgy. Dila, Bay (Ba-e) noong Nobyembre 3.

Bago ito, pinasok din ng mga pekeng ‘PDEA agents’ ang tanggapan ng isang negosyante sa San Pedro noong Nobyembre 6 kung saan milyones umano ang natangay ng mga suspek.

Hindi naman dapat ipagtaka kung bakit ‘late’ sa balita ang insidente sa bahay ni Gob. Ramil; ayon na rin sa mga impormante sa hanay ng PNP nang ‘local media’ sa pangunguna ni PRO4-A Press Corps president, Ed Amoroso, “pinilit” ng kampo ni Gob. Ramil na “itago” ang insidente sa kanila.

Hindi rin nakapagtataka ang reaksyon ni Gob. Ramil. Dangan kasi, tinatayang P20-milyon CASH, ang natangay ng mga suspek!

Wow, naman, Gob. Ramil! Meron ka palang P20-milyon na “nakagarahe” lang sa bahay mo? Sana all, hehehe!

“Saan” naman kaya nanggaling ang ganito kalaking halaga? Sa sweldo ba ni Gob?

Ano bang mga negosyo niya ang pwedeng kumita ng ganito kalaking ‘return on investment?’ Panalo ba kaya sa Lotto? Baka sa casino?

Hindi natin alam at mas magandang magpaliwanag sa bagay na ito si Gob. Ramil, tama ba mga kababayan ko at Ombudsman Samuel Martires?

Hindi ka ba “naintriga” sa balitang ito, OMB Martires? ‘Motu propio’ mo na, hehehe!

Para naman sa Laguna PPO, wala pa bang balak si PNP Calabarzon RD PBGen. Paul Kenneth Lucas, na “pagbakasyunin” na muna si PD PCol. Gauvin Unos?

Aber, sunod-sunod ang “salto” kasi.

Hindi tayo magtataka na sa estado ngayon ng ‘peace and order’ sa Laguna, marami ang tubuan ng “nerbiyos!” Nakakatakot na  nga naman kasi.

Bukod sa pag-atake ng mga armadong magnanakaw sa San Pedro at bahay ni Gob. Ramil, nalaman natin na may mga pulis-Calamba rin na sabit naman sa ‘kidnapping?’

Kumbaga, pulos sa ‘sensational crimes’ na lang “sumisikat” ngayon itong probinsya ko, hays!

Abangan!