Home TOP STORIES Ipilan Nickel muling iginiit ang responsableng pagmimina at pagsunod sa batas

Ipilan Nickel muling iginiit ang responsableng pagmimina at pagsunod sa batas

148
0

MANILA, Philippines — Muling pinanindigan ng Ipilan Nickel Corporation (INC) ang dedikasyon nito sa responsableng pagmimina at pagsunod sa batas kasunod ng mga isyung inilatag sa pagdinig ng Senado noong Marso 9, 2026.

Nilinaw ng kumpanya ang anila ay maling impormasyon na inilahad ni Brooke’s Point, Palawan Vice Mayor Mary Jean D. Feliciano sa pagdinig ng komite sa Senado na pinamunuan ni Senator Risa Hontiveros.

Ayon sa INC, ang mga isyung binanggit ng bise alkalde ay mga lumang usapin na at matagal nang natugunan. Iginiit ng kumpanya na nananatiling balido ang Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) nito matapos i-renew ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), na nagpapahintulot sa operasyon ng kumpanya hanggang 2043.

Nananatili rin umanong balido ang Environmental Compliance Certificate (ECC) ng kumpanya batay sa ulat ng DENR noong 2020.

Sinabi rin ng INC na ang Indigenous Peoples Certification Precondition na inilabas ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ay resulta ng isang mahigpit at transparent na proseso ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC), taliwas sa mga paratang sa pagdinig.

Pinabulaanan din ng kumpanya ang alegasyon na hinahati nito ang mga katutubong komunidad, at iginiit na nananatiling nagkakaisa ang IPDO-BICAMM sa pagpapatupad ng mga programa para sa kapakinabangan ng mga katutubo gamit ang pondo mula sa royalty shares ng paggamit ng ancestral domain.

Ayon pa sa INC, patuloy itong sumasailalim sa regular na pagsusuri ng Multipartite Monitoring Team (MMT) na binubuo ng mga kinatawan mula sa DENR, Mines and Geosciences Bureau (MGB), lokal na pamahalaan, indigenous peoples, at mga non-government organization.

Binanggit din ng kumpanya ang resulta ng imbestigasyon ng MGB na nagsasabing ang pagbaha noong 2023 ay dulot ng hindi pangkaraniwang lakas ng ulan at pagkababad ng lupa at hindi ng pagmimina.

Wala rin umanong siyentipikong ebidensya ang mga paratang hinggil sa polusyon sa tubig, irigasyon, at mga sakahan, habang ibinasura na ng mga korte ang alegasyon ng iligal na pagputol ng mga puno matapos mapatunayan na may kaukulang permit ang mga gawain.

Nauna na ring sinabi ni dating DENR Secretary Maria Antonia Loyzaga na sumusunod ang INC sa mga regulasyon ng Mining Act at sa pamantayang itinakda ng ahensya.

Ipinaliwanag din ni Loyzaga na may prior rights na ang kumpanya sa lugar bago pa ito ideklarang protected area.

Dagdag ng INC, bagama’t ang business permit ay kinukuha kung saan matatagpuan ang main office ng kumpanya ayon sa umiiral na batas, patuloy pa rin itong nakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan.

Ayon sa kumpanya, nagbayad ito ng ₱322.1 milyon sa buwis at bayarin, kabilang ang ₱299.4 milyon na direktang napunta sa munisipyo ng Brooke’s Point—₱130.75 milyon para sa local business taxes at ₱168.65 milyon para sa ecosystem fees—bukod pa sa ₱1.73 bilyon na ibinayad sa pambansang pamahalaan para sa income tax, excise tax, at iba pang statutory charges. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here