SA pinakahuling tala, halos 600 na ang namatay sa Iran habang 1,481 ang nasugatan sa giyera nito sa Israel sa ika-6 nang araw.
Sa Israel, mahigit na ring 24 ang patay at hindi pa kasama ang mga namatay sa Mossad headquarters, Tel Avid at halos 400 na rin ang nasugatan, kasama ang walong Pinoy.
Habang tinitipa natin ito, nasa ika-11 nang pambobomba ng Iran sa Israel habang mas marami ang mga pag-atake ng Israel sa Iran, lalo’t wala nang banta sa mga eroplanong pandigma nito sa pag-atake sa huli.
MGA PINOY KUMUSTA?
Siyempre pa, pangunahing inaalala natin ang nasa 30,000 Pinoy sa Israel at nasa 1,000 sa Iran ngunit wala tayong balita ukol sa huli.
Mismong ang pamahalaan natin ang nagsasabing ginagawa nito ang lahat para maproteksyunan ang mga Pinoy sa Israel, kabilang na ang pagsasabi dapat silang sumunod sa mga kautusan ng Israel sa pagpunta sa mga ligtas na lugar kung may mga pag-atake ang Iran at pag-alis sa mga sensitibong lugar na target ng huli.
Naririyan din ang tuloy-tuloy na komunikasyon sa mga nagnanais na umuwi ng bansa at pagtukoy ng mga paraan kung saan sila pupuwedeng dumaan nang ligtas gaya na nasa 109.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Cacdac, kasama sa mga kinakausap nila ang mga samahan ng mga Pinoy at aktibo ang mga tauhan ng Philippine Embassy sa pag-asiste sa sa kanilang transportasyon, tulong pinansyal at akomodasyon sa mga walang mapuntahan.
Ang mga nakauwi na at uuwi pa, bibigyan din sila ng katumbas ng apat na buwan nilang sahod at iba pa para sa kanilang pagsisimula at muling pagkakaroon ng kabuhayan sa Pilipinas.
Kaugnay nito, mga Bro, lumalabas na punuan at kulang na kulang na ang mga bunker na taguan sa Israel.
Ang masama pa, tumatagos umano sa mga bunker ang ilang missile ng Iran na nagiging mapanganib na rin sa mga nagtatago.
Ang mga Palestino, sinisipa o hindi pinapapasok sa mga bunker.
Sana walang ganitong maranasan ang mga Pinoy habang may mabangis na digmaan.
APEKTADO ANG BUONG PINAS NGAYON
Hindi kaila sa lahat na nagmamahal na ang langis sa buong mundo dahil sa digmaan.
Nitong nakaraang Martes, lumundag sa P1.50-P1.80 bawat litro ang mga presyo ng mga produktong petrolyo na tiyak na magpapamahal sa mga bilihin dahil ipinapatong dito ng mga negosyante ang gastos nila sa transportasyon at produksyon.
Kaya hindi dapat ipagtaka na maging ang mga produktong agrikultural, kasama ang mga gulay, isda at karne ay nagmamahalan na rin.
Kung magpapatuloy ang digmaan, hindi mapipigilan ang pagmahal pa ng mga produktong petrolyo.
Kinatatakutan pa ngayon ang posibleng pagsasara ng Iran sa Strait of Hormuz na daluyan ng 20% ng suplay ng langis sa buong mundo.
Posible umanong tataas sa $300 bawat bariles ang presyo ng langis kumpara sa mababa sa $100 ngayon.
Kapag mangyari ito, maghanda na tayo sa sobrang mahal na langis na makasasama nang todo sa buong sambayanan.






