
NASA ika-6 araw na ngayon ang giyerang sinimulan ng Israel laban sa Iran, isang giyera na “pangarap” ng Israel sa nakaraang higit tatlong dekada tungo sa layunin nitong maitayo ang ‘Greater Israel’ mula sa sinakop na teritoryo ng mga Arabo at Palestino.
Hindi katulad noong ‘World War 2’ hanggang sa ‘Desert Storm’ noong 2003, kung saan mga sundalo, tangke, eroplano, at kanyon ang ginagamit, pero ngayon pulos ‘drones,’ ‘missiles,’ at ‘aerial bombs’ ang “nagliliparan” patungo sa teritoryo ng kalaban. Ito na ang modernong “mukha” ng digmaan na ang resulta? Sibilyan ang palaging biktima, aguy!
Lahat ng kaguluhan sa Gitnang Silangan sapul pa noong dekada ‘80 ay sinimulan ng Israel, kasama na ang patuloy na ‘genocide’ sa mga Palestino sapul pa noong 1948.
At ginawa– at nagagawa– lahat ito ng Israel dahil sa suporta ng ‘Tadong Unidos, isang katotohanan na mga “bopols” at “tolonges” lang ang hindi nakakaalam.Kaya marami ang nagtatanong: “Sino” ba talaga ang “boss” sa kanilang dalawa? Bakit sa tuwing manggugulo ang Israel, hindi ito magawang “iwanan” o kontrolin ng Amerika, tulad ng ginagawa nito ngayon sa mga Palestino at sa Iran?
Kilalang “barako” si US President Trump na muling nanalo sa platapormang ‘America First’ at ‘No More Wars.’
Subalit sa sitwasyon ngayon, “kapit-bisig” si Trump sa agresyon ng Israel, isang agresyon na marami sa mga intelektuwal na Amerikano at ‘military experts’ sa buong mundo ay naniniwalang hindi rin nila kayang ipanalo, magiging trahedya sa pamilya ng mga sundalong Amerikano at ‘bankruptcy’ ng kanilang ekonomiya.
Muli, sino ba talaga ang “Boss?” Si ‘Uncle Sam’ ba o si Benjamin Netanyahu?