Home OPINION MAS LIGTAS PAGSAKAY SA EROPLANO KAYSA MOTORSIKLO

MAS LIGTAS PAGSAKAY SA EROPLANO KAYSA MOTORSIKLO

MARAHIL maraming nagtataka at napapakunot ang noo matapos basahin ang titulo ng ating kolum. Bawal munang mag-react kung hindi tatapusin hanggang dulo ang ating eksplanasyon.

Atin munang balikan ang pangyayari sa bansang India kung saan bumagsak kamakailan ang isang eroplano duon na ikinasawi ng 230 pasahero, 12 crew member at 38 pang katao na nadamay sa pagbagsak sa komunidad. Himala namang nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang isa.

Papunta sanang London ang Dreamliner Boeing 787-8, flight 171 na nag-take off sa Ahmedabad airport ng nasabing bansa. Ang siste, imbes na pumailanlang ang eroplano, bumaba ang lipad nito at bumagsak sa isang medical hostel building sa Gujarat sa hindi pa malamang kadahilanan.

Samu’t saring reaksiyon ang ating mababasa mula sa mga netizen na maaaring magdulot ng pangamba at malaking takot lalo na sa mga first time pa lang na sasakay ng anomang eroplano.

Isa lang ang ating masasabi tungkol diyan, mas ligtas pa ring sumakay ng eroplano kaysa umangkas o sumakay sa isang motorsiklo kung ang pag-uusapan ay passenger’s safety.

Bakit nga ba?

Base sa nakalap nating impormasyon, marami palang serye ng inspection ang kailangang isagawa sa isang eroplano bago ito hayaang makapunta sa tarmac at makalipad.

May tinatawag na pre-flight inspections na may kaakibat na checklist para tingnan kung walang anomalya sa exterior, interior, engine, electrical, controls, system, documentation at iba pang regulatory compliance . Meron ba nito sa motorsiklo? Meron naman kung bago siyempre.

Karagdagan pa rito ang daily inspections, periodic inspections at special inspections. Syempre lahat ng iyan, may checklist din. Sa special, kailangang gawin ang pagsisiyasat sa aircraft kada-100 hour flight time nito at isinasagawa din ang progressive inspection sa malalaking aircraft na may complex system.

Bago magbiyahe ang eroplano, kailangang perpekto ang nasa checklist. Iyan din malamang ang dahilan kung bakit may delay sa paglipad sa kabila ng clear na runway at mabuting panahon, ‘eh pagsakay mo sa motorsiklo, well inspected kaya, kahit marami nang modipikasyon? Uhmmm.

Sa usapang competence, hindi matatawaran ang iba’t-ibang klase at level ng training bago maging isang piloto lalo na kung may bagong modelo o system o bagumbago ang isang eroplanong paliliparin. Bawal ding uminom ng alcohol sa loob ng 8 hours bago ang pagpapalipad at below 0.04% dapat ang blood alcohol content, ‘eh sa rider? Aguyyy.

Ano naman kaya ang hawak na competence ng isang rider maliban sa hindi expired na lisensiya? Kahit sana defensive driving training, ok na. ‘Eh, papaano pala kung expired, fake o walang lisensiya? Araykupooo.

Suma-total, mas malaki ang tiyansang maaksidente tayo sa pagsakay sa motorsiklo kaysa aircraft.

Hindi natin sinasabing huwag sumakay ng motorsiklo, ang sa atin lang, huwag tayong matakot sumakay ng eroplano kahit pa may aircrash event sa ibang bansa.