Bulacan – Arestado ang lalaking nakipagbuno at nanaksak ng kaalitan sa ikinasang hot pursuit operation ng pulisya sa lungsod ng Malolos nitong gabi ng Disyembre 14.
Sa report ni PLTCOL Rommel Geneblazo, hepe ng Malolos police station, kinilala ang suspek na si alyas “Howard”, residente ng Brgy. San Pablo.
Ayon sa report ng pulisya, naganap ang insidente bandang 9:00 ng gabi sa nasabing lugar at petsa.
Nabatid na nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang akusado at ang biktima kasama ang kanyang kapatid hanggang sa humantong sa pambuno ang mga ito.
Dahil dito, kumuha ng kutsilyo ang suspek at walang kaabog-abog na sinaksak ang biktima sa kaliwang bahagi ng tiyan hanggang sa tumakas sa lugar.
Agad dinala ang biktima sa Bulacan Medical Center para sa paunang lunas na ngayon ay kasalukuyang nagpapagaling.
Nang makarating sa pulisya ang nangyari ay nagsagawa ng operasyon kaya nahuli kalaunan ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated homicide habang nakakulong sa naturang istasyon. Dick Mirasol III