Home OPINION ISANG MALI, ‘DI MAITATAMA NG ISA PANG MALI

ISANG MALI, ‘DI MAITATAMA NG ISA PANG MALI

 

MAHIGPIT na ipinatutupad na ngayon ang Republic Act 11313 o Safe Spaces Act na
kilala bilang “Bawal Bastos Law” kaya dapat lang na hindi ito balewalain nating mga
Pilipino.

Walang pinipiling kasarian ang batas na ito basta lumalabas na mayroong ‘sexual
harassment’ ay pasok sa batas na ito.

Isang halimbawa ay ang pagsipol ng isang lalaki sa dumaraan sa harap niyang babae
na kahit pa nakasuot ito ng maigsing palda o kaya ay hapit na shorts, hindi niya ito
dapat sipulan o sabihan ng ilang nakababastos na salita.

Bilang patunay, noong Pebrero 5 bandang alas-8 ng gabi, dalawang lalaki ang inaresto
ng mga tanod ng Barangay Milagrosa sa Project 4, Quezon City dahil sa umano’y
pambabastos sa dalawang babae mula sa nasabing barangay.

Dinala ang dalawang lalaki, na sinasabing mula sa Visayas ay may dalawang linggo pa
lang sa Kamaynilaan upang mamasukan bilang laborer, sa barangay kung saan
nakaharap nila ang mga nagrereklamo at ilang opisyales ng barangay.

Dahil namamasukan lang at wala pang alam na lugar sa kaninang pinuntahan,
sinamahan ang dalawang lalaki ng kanilang kasera o yung may-ari ng lugar na kanilang
tinitigilan.

Hindi naayos sa barangay kaya dinala ng mga opisyal at mga tanod ng Barangay Milagrosa ang dalawang lalaking inirereklamo at ang dalawang babae na nagrereklamo sa Project 4 Police Station o Quezon City Police District – Station 8.

Nangyari pala ang umano’y pambabastos noong madaling araw ng Pebrero 3 pero
makalipas na ang dalawang araw bago inilahad sa barangay ang kanilang reklamo.

Natural, lampas na sa ‘prescription period’ o ‘prescribed time’ ang pagrereklamo kung
kaya’t inirekomenda ng mga pulis sa barangay at nagrereklamo na mag-‘direct filing’ na
lang.

Dahil nga hindi naisampa ang kaso na ayon sa isang kagawad ng Barangay Milagrosa
ay pasok sa ‘violence against women and children’ ay inis na inis ang kagawad.

Upang makabawi, sinuntok na lang niya ang dalawang inaresto nila dahil sa ‘Bawal
Bastos Law’ at binantaan na ayaw niyang makita pa ang pagmumukha kaya dapat ay
umuwi na sa probinsya.

Teka lang Kagawad “Bam” ng Barangay Milagrosa, hindi naman napatunayan na
binastos nga ng dalawang lalaki yung residente ng barangay mo. At nakita ‘yan sa
CCTV ng barangay kaya dapat ay hindi mo sinaktan at binantaan ‘yung dalawa.

Pag-aari mo ba ang buong Project 4? Bukod pa sa dapat ikaw na kagawad sampu ng
iyong tanod ay magseminar muna sa pagkakaiba ng R.A. 11313 at R.A. 9262. Wala
pong relasyon ang nagrereklamo at inirereklamo kung kaya’t hindi papasok sa VAWC.

Isa pa, hindi mo dapat sinuntok sa harap ng mga pulis ang dalawang inaresto nyo.
Sabihin na mali ang ginawa ng dalawang lalaki. Pero mali din ang saktan mo sila. Hindi
maitatama ng isang mali ang isa pang pagkakamali.

Previous articleBINONDO, MAYNILA, PUSO  NG KASAYSAYAN AT KULTURA
Next articleSUNTOK SA BUWAN