Home OPINION SUNTOK SA BUWAN

SUNTOK SA BUWAN

PINALUTANG ni dating Pangulong Duterte ang plano n’yang pangunahan ang
paghiwalay ng Mindanao sa Pilipinas.  Ito na lang daw ang natitirang paraan na nakikita
n’ya para tuluyang masolusyanan ang kahirapan at iba pang mga problema ng mga
Mindanawan.   Sa kaisipan niya kasi, puro panloloko at katiwalian ang dala ng mga
pulitiko mula sa Luzon at Visayas.

Kumbaga, hindi deserve ng mga taga-Mindanao ang nararanasan nilang mga problema
ngayon, dahil umano, sa mga kasalanan o pagkukulang ng mga nasa labas ng
Mindanao.

Pero kung susuriin nating mabuti, mukhang mahina ang mga argumento ni dating
Pangulong Digong, at pwedeng-pwedeng baliin na hindi uubra ang panukala.

Una, malinaw na labag sa Saligang Batas ang panawagan na humiwalay ang Mindanao
sa bansa.   Nakasaad sa 1987 Constitution ang kabuuang teritoryo ay sakop ng
bansang Pilipinas. Kung sakali baka pwede lang maalis ang Mindanao sa Pilipinas kung
papalitan o babaguhin ang Saligang Batas. Maliban dito ay walang ligal na
paraan.  Kung ipipilit at dadaanin sa dahas, baka makasuhan pa ng sedisyon ang mga
mangunguna rito.

Pangalawa, mukhang hind praktikal sa ekonomiya ang ganitong galawan at
kaisipan.  Sa pagkain at enerhiya na lang, hindi kaya ng Mindanao na humiwalay sa
koneksyon ng supply na ibinabahagi ng Luzon at Visayas.  Bukod pa sa mga
serbisyong pananalapi, puhunan at mga teknikal na trabaho.  Alam ko na sagana sa
likas na yaman ang isla ng Mindanao, pero palagay ko, hindi sapat ang kasalukuyang
produksyon ng agrikultura at enerhiya para sa pangangailangan nito.

Pangatlo, mukhang hindi ganoong ka-simple ang usapin ng politika at pamamahala
para humiwalay ang Mindanao.   Tandaan natin, napakalaki ng Mindanao, at maraming
mga pamilya na may hawak ng kapangyarihan.   Mga political dynasty at mga political
clans.   Hindi naman lahat ‘yan ay sasama at sasabay sa panawagan ni Digong. Nito
ngang mga huling araw ay lumantad ang posisyon ng maraming mga elected na opisyal
sa Mindanao na hindi sila kumbinsidong humiwalay.

Banggit nga ng isang politikal na komentarista, sana noong panahong presidente pa
s’ya, baka mas madaling napakilos ni Duterte ang mga pwersa n’ya sa Mindanao, para
seryosong pag-usapan ang pagiging ‘independent’ ng Mindanao.
Pero ngayong wala na s’ya sa puwesto, hindi na ito posible. Malamang, “suntok sa
buwan”.