Home METRO Isko nanguna sa OCTA survey sa mayoralty race sa Maynila

Isko nanguna sa OCTA survey sa mayoralty race sa Maynila

MANILA, Philippines – NANANATILING nasa unang pwesto pa din batay sa pinakahuling survey ng OCTA Research si dating Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso matapos makakuha ito ng 67%, na inilabas kasabay ng opisyal na pagsisimula ng kampanya sa lokal na posisyon nitong Biyernes, Marso 28, 2025.

Nabatid na isinagawa ang nasabing survey mula Marso 2 hanggang 6 kung saan nanguna ng malaking porsiyento si Domagoso sa anim na distrito ng Lungsod ng Maynila, malayo sa kanyang mga katunggali na sina Sam Versoza na may 16% at incumbent Mayor Honey Lacuna na may 15%.

Muling tumakbo sa pagka-alkalde si Domagoso, bitbit ang platapormang pagbabalik ng kalinisan, disiplina, at kaayusan sa kapitolyo ng bansa, kasunod ng pagkakaloob ng pangunahing serbisyo at maayos na pamamahala.

“Unang una po, lilinisin ko ulit ang Maynila. Aalisin ko ang kadugyutan. Magbibigay ulit tayo ng kapanatagan na habang natutulog sila, meron pang gobyerno sa kalsada hanggang madaling araw,” ani Domagoso.

Sa unang termino ng kanyang panunungkulan, umani ng papuri si Domagoso sa kanyang mga programa at proyekto gaya ng vertical housing, modernong ospital, at digital innovations tulad ng Go Manila app na hanggang sa kasalukuyan ay pinakikinabangan ng mamamayan ng lungsod.

“Napapakinabangan pa ang mga ginawa natin. Dati squatter ka katulad ko, ngayon pipindot ka na lang ng elevator—‘15th floor, please,” ani Domagoso.

Isinulong din niya ang modernisasyon ng pampublikong edukasyon sa Maynila, kabilang ang pagtatayo at pagkukumpuni ng maraming pampublikong paaralan.

Ilan lamang ito sa mga nagawa ni Domagoso na dahilan upang suportahan ng iba’t-ibang malalaking grupo at organisasyon ang kanyang kandidatura, kabilang ang Kababaihan ng Maynila, KABAKA, Kaagapay ng Manileño, at iba pang grupo ng transportasyon, tulad ng grupo ni Rodelio Sotto ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP).

Tiniyak naman ng kanyang vice mayoral candidate na si Chie Atienza na makakaasa ang mga Manilenyo na magiging mabisang bise-alkalde siya dahil ibubuhos niya ang buo niyang suporta kay Domagoso.

“Makakaasa kayo na para maging isang mabisang bise-alkalde, susuportahan ko nang buong-buo si Yorme Isko Moreno Domagoso,” ani Atienza.

Kaugnay nito, nagsagawa naman ng ‘City-wide whole day’ motorcade ang buong Yorme’s Choice sa lungsod ng Maynila kung saan inumpisahan nila sa District 1, 2 at 3 ang motorcade sa umaga at pagdating sa hapon ay iikutin nila ang District 4, 5 at 6.

Nakatakda din na magsagawa ng Proclamation Rally ang Yorme’s Choice sa Moriones Tondo alas-6 Biyernes ng gabi matapos ang motorcade. JR Reyes