Home NATIONWIDE Isko tutol sa pagpasok ng anak sa mundo ng politika

Isko tutol sa pagpasok ng anak sa mundo ng politika

MANILA, Philippines – “AYAW ko yan, hindi ko talaga yan pinayagan.”

Ito ang pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso hinggil sa pagpasok sa larangan ng pulitika ng kanyang anak na si Joaquin Domagoso na nanalong Konsehal sa Unang Distrito ng lungsod sa unang pagtakbo pa lamang nito sa nakaraang 2025 election.

Sa television program interview kay Domagoso, sinabi nito na wala siyang plano na magtayo ng sariling political dynasty sa Lungsod ng Maynila.

Aniya, tutol siya sa political dynasty bagama’t hindi aniya niya napigil ang kanyang anak na si Joaquin sa pagnanais na tumakbong konsehal lalu’t pinayagan siya ng kanyang ina.

“Hindi ko talaga pinayagan, he knows it, yung nanay niya pumayag, sabi ko nga sa kanya, alam mo anak, umikot ka muna sa Tondo para makita mo ang dahilan kung bakit ako inaabot ng madaling araw hanggang mag-uumaga sa kalsada,” paliwanag ni Domagoso.

Sinabihan ni Domagoso si Joaquin na maituturo lamang niya dito ay kung paano patakbuhin ang gobyerno at kung ano ang proseso sa gobyerno subalit ang hindi niya kayang ituro, maging ng kanyang mga kaibigan, ay ang pagmamalasakit sa kapuwa.

Dahil dito, sinimulan aniya ni Joaquin ang mag-ikot sa Tondo at nang makita ang tunay na sitwasyon kung saan naiyak ang kanyang anak nang malaman nito ang sitwasyon at pamumuhay ng mga mahihirap sa Tondo na naging dahilan upang magdesisyon na pumasok sa mundo ng pulitika.

”Pinagpapasalamat ko naman at binigyan siya ng pagkakataon ng mga taga-Tondo. Ganyan ako kabata, 23, nang magsimulang sumabak sa pulitika kaya sabi ko sa kanya, o magpahinog ka na diyan, mag-aral ka, aralin mo yung posisyon mo, don’t take it lightly,” payo pa ni Domagoso sa anak na humakot ng pinakamataas na botong 114,262. JR Reyes