DAAN-DAANG deboto ang muling dumagsa sa kapistahan ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila, ngayong araw. Hindi alintana ang init ng araw at siksikan ng kapwa nila deboto.
Sa mahabang panahon ang senaryong ito ang laging pinakaaabangan – ang prusisyon ng Black Nazarene, na milyong Filipino ang naniniwalang sandigan ng kanilang buhay ang imaheng ito.
Ang Quiapo Church na nagsisilbing tahanan nito, ang panalanginan ng marami nating kababayan na nagpatotoo na sa mga himalang nangyari na sa kani-kanilang buhay. Ang Simbahan ng Quiapo rin ang kanilang agad na tinutungo upang magdasal kapag may pangangailangan, may hinihiling at mag-alay ng pasasalamat sa pagtugon ng Panginoon sa kanilang mga panalangin.
Hindi matatawaran ang ganitong paniniwala ng ating mga kababayan at himala ng Itim na Nazareno sa mga buhay ng marami nating kababayang deboto at mananampalataya.
Sabi nga ng maraming debotong nakausap ko, lumalalim ang kanilang pananampalataya dahil sa mga himalang pinaranas sa kanila ng Itim na Nazareno, at tugunan ang mataimtim nilang panalangin sa tuwing may hinihiling.
Nawala ang sakit, nakapag-abroad ng walang balakid, nakapagpatapos ng pag-aaral ng mga anak, ay ilan lamang sa iginawad na kasagutan ng Poong Nazareno sa marami nating kababayan.
Kaya naman, sa tuwing kapistahan nito, dagsa ang mga Filipinong mananampalataya sa imaheng ito ng Itim na Nazareno. Patunay ito na sandigan ng maraming Filipino ang imahe ng Itim na Nazareno.
Ang akin lamang pangamba, sa tuwing idinadaos ang pagdiriwang ng kapistahan ng Poong Nazareno, kahit marami ang nasasaktan, ang iba ay ikinamatay pa nga ang pakikipagsiksikan sa prusisyon, ay tila lalong dumadami pa ang dumarayo para makilahok sa pista ng Itim na Nazareno.
Marahil, tunay na sandigan nga, ang Itim na Nazareno ng maraming Filipino.