Home OPINION MAS LIGTAS NA TRASLACION 2024

MAS LIGTAS NA TRASLACION 2024

HINDI lang ang paglalagay ng salamin sa paligid ng Itim na Nazareno na lulan sa andas ang isasagawa ngayong araw ng kapistahan nito ang bago sa pagbabalik ng Traslacion  subalit maraming iba pang ipatutupad ang organizers ngayon taon para na rin sa kaligtasan ng mga dadalo lalo na ng mga deboto.

Kaya pinalagyan ng salamin ang paligid ng Nazareno ay upang hindi na makasampa o makasakay at dumamba sa andas ang mga deboto na makikiisa sa traslacion ngunit pinapayagan pa rin ang mga deboto na makapagpapahid ng kanilang panyo o tuwalyita (small towel) sa rebulto sa pamamagitan ng Hijos na itatalaga sa andas subalit wala din ang mga ito sa loob ng salamin.

Ang bagay na ito ay napagkaisahan nilang pag-iwas na rin na magkasakitan sa pagsakay at damba sa andas na minsan ay nawawalan ng control ang mga humihila ng tali kaya naman kapag may nawalan ng balance at kontrol kasama nang pagkahulog ay napagtatapakan na ng mga tao na dahilan kaya nagkakaroon ng mga nasusugatan.

Noong Linggo, pinangunahan naman nina Manila Mayor Honey Lacuna at National Capital Region Police Office director PMGen Jose Melencio ang send-off ceremony sa mga pulis na itatalaga para sa seguridad ng Nazareno at ng mga deboto sa mismong kapistahan ngayong araw ng Martes.

Kaya naman bahagi ng mas pinaigting na seguridad ng Quiapo Church para na rin makasiguro na ligtas ang mga deboto sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Nazareno ay ang pagdaan ng mga magtutungo at papasok sa simbahan sa security checkpoint.

Ayon kay P/Cpt Rowel Robles, hepe ng Plaza Miranda Police Community Precinct – Sta Cruz Police Station, ipinag-utos ni Nartatez sa PCP ang paglalagay ng mobile x-ray at walkthrough detector sa pasukan ng security checkpoint na medyo malayo sa pinto ng Simbahan ng Quiapo.

Ipinagbabawal dalhin upang hindi tumunog ang detector ay ang deadly weapon, kabilang ang baril, kutsilyo, balisong, patalim at mga katulad, bawal din ang alak at maging firecrackers at pyrotechnic devices.

Bahagi ang mga bawal na ito sa ipinalabas na Executive Order No. 2 ng pamahalaang lungsod ng Maynila noong Biyernes.

Maganda ang mga pagbabagong inilatag ng pamunuan ng pulis, LGU at Simbahan ng Quiapo bagaman mayroong konting abala subalit ano ba naman itong sandaling antala kung ang kapalit naman ay kaligtasan nang nakararami.