Kasama sa mga kompanyang nakabase sa Pilipinas ang Philippine Air Lines, Cebu Pacific at Air Asia.
Lahat ng ito ay may mga eroplanong gawa ng Boeing at Airbus na parehong nasangkot sa mga disgrasya bagama’t walang namatay.
Ang naabo sa sunog sa Haneda Airport, Tokyo nang mabangga nito ang eroplanong pag-aari ng Japan Coast Guard ay isang Airbus.
Ang natanggalan naman ng fuselage sa United States habang nasa ere ay gawang Boeing.
Muntik nang napahamak ang 379 pasahero at crew ng Airbus plane at 171 naman ng Boeing plane dahil sa mga nasabing insidente.
Nagkaroon din ng mechanical trouble ang isa pang Airbus at naglanding sa Goose Bay Canada military base at naligtas ang 270 pasahero at crew noong Disyembre 12.
Alam naman nating laging iniinspeksyon ang mga eroplano subalit may nakalulusot na may mga depekto.
At basta na lang lumilitaw ang mga depekto habang nasa ere ang mga eroplano gaya ng pagkakatanggal ng fuselage ng Boeing ng Delta Lines sa California.
Mechanical trouble din ang dahilan ng emergency landing sa Airbus sa Canada airport.
SISTEMANG KOMUNIKASYON AT KONTROL
Ang nasunog na Airbus ng Japan Air Lines ay sinasabing nagmula sa mga maling sistema ng paglapag o pagpapalapag ng eroplano sa runway ng Haneda Airport.
Inaalam pa kung totoong may pahintulot sa JAL na lumapag dahil walang sagabal sa runway.
Pero lumalabas ding hindi klaro ang mga komunikasyon kung may harang gaya ng isang eroplano sa runway.
Kaya nang pahintulutan na ng airport authorities ang JAL na lumapag, hayun, nabangga nito ang eroplano ng Japan Coast Guard na ikinamatay ng limang sakay nito.
Ganap ding nasunog ang JAL at mga pakpak at palikpik ng buntot nito ang natira habang naabo ang buong katawan nito.
PIGILING MANGYARI SA PINAS
Malalaking leksyon ang mapupulot sa mga pangyayari.
Una, masasabing milagro ang naganap sa nasunog na JAL at dalawang Delta Airlines na natanggalan ng fuselage sa ere sa California at nagloko ang makina o ibang mekanikal na parte sa ere rin sa Canada.
Ikalawa, ang galing ng mga piloto at crew o flight attendant sa gitna ng emergency, hindi matatawaran.
Ikatlo, wala rin tayong masabi sa airport authorities na mabilis na rumeresponde sa emergency sa pagliligtas sa mga pasahero.
Kapag may nangyaring ganito sa mga eroplano at sa airport natin, gaano ba kahusay ang paghawak ng sitwasyong emergency ng mga piloto, crew at flight attendant, kasama ang mga airport authority?
Gaano ba kahigpit ang mga isinasagawang inspeksyon para mapigilan ang mga paglitaw ng mga depekto sa ere?
Paano ba ang responde mismo ng buong pamahalaan na maaaring madamay kapag hindi maganda ang mga pangyayari na ikamatay ng lahat pasahero at ikadamay ng iba pa?