HABANG dumarami ang mga payong pangkalusugan sa social media, marami sa atin ang nakararanas ng pagkabahala tungkol sa CKD (chronic kidney disease) at kaligtasan ng pagkain—mga isyung dati’y hindi natin pinapansin. Sa mas malalim na paghahanap, madalas pang nauuwi sa pinakamasamang hinala tulad ng kanser. Ngunit nitong nakaraan, isang tila simpleng bagay ang nakakuha ng aking pansin: ang itim na plastik.
Ang mga lalagyan ng takeout at kagamitang pangkusina na kulay itim ay ginagamit natin araw-araw nang walang pag-aalinlangan, kahit pa pinaiinitan ng pagkain. Ngunit ayon sa pag-aaral, ang mga ito ay kadalasang gawa mula sa nirecycle na elektronikong basura gaya ng lumang TV at kompyuter.
Ang mga kemikal na ginamit sa mga elektronikong ito upang maiwasan ang sunog ay hindi nawawala sa pagre-recycle. Sa halip, napupunta ang mga ito sa mga lalagyan ng pagkain. Kapag uminit, humahalo ang mga lason sa pagkain — lalo na sa mamantika o maaasim na ulam tulad ng adobo at sisig.
Kahit walang microwave, ang simpleng pagkayod ng kubyertos sa plastik ay naglalabas ng maliliit na bahagi o ‘particles’ na maaaring makasama sa bituka. Ang mas ligtas na alternatibo ay salamin, seramika, o stainless steel. Malinaw na ang siyensya — panahon na ring baguhin ang ating mga nakagawian.
Ngunit ang ganitong pang-araw-araw na panganib ay bahagi lamang ng mas malawak na krisis pangkalusugan. Ang CKD ay unti-unting pagkawala ng kakayahan ng bato na linisin ang katawan, kadalasang walang sintomas hanggang sa lumala. Isa na ito ngayon sa pangunahing sanhi ng kamatayan sa Pilipinas.
Tinatayang 13 milyong Pilipino ang apektado, ayon sa Department of Health, at tumaas ng 22% ang mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis sa loob lamang ng isang taon. Ang diabetes at altapresyon — na laganap sa bansa — ang pangunahing sanhi nito.
Dahil dito, mahalaga ang panawagan ng mga grupong pangkalusugan hinggil sa tinatawag na cardiorenal metabolic disease — ang magkakaugnay na sakit sa puso, bato, at metabolismo. Nararapat itong pagtuunan ng pansin ng pamahalaan.
Naalala ko ang adbokasiya ni Dr. Juan M. Flavier: mas mahalaga ang pag-iwas kaysa paggagamot. Kaya’t isinusulong ang mga panukala tulad ng buwis sa matatamis na inumin, malinaw na nutrition labels, at subsidiya sa masustansyang pagkain upang maging abot-kaya sa lahat.
Dapat ding ipatupad ang obligadong saklaw ng Urine Albumin-to-Creatinine Ratio (UACR) test sa pamamagitan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), na makatutuklas ng maagang pinsala sa bato. Sa ganitong paraan, maaagapan ang sakit bago pa ito maging hindi na magagamot.
Hindi sapat ang pagpopondo sa dialysis. Ang tunay na solusyon ay nasa pag-iwas. Panatilihing malusog ang mamamayan bago pa sila magkasakit.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






