Home METRO Jeepney coop na may kaugnayan sa aksidente sa Bataan, pinatawag ng LTFRB

Jeepney coop na may kaugnayan sa aksidente sa Bataan, pinatawag ng LTFRB

1
0

MANILA, Philippines – Pinatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. Lopez, ang operator ng isang pampasaherong jeepney na nasangkot sa aksidente sa kalsada sa Bataan na nagresulta sa pagkasugat ng 18 pasahero noong Hulyo 14.

Sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na naglabas na sila ng *show cause order* (SCO) sa Dinalupihan-Olongapo Multipurpose Cooperative, ang operator ng pampasaherong jeepney na sangkot sa aksidente.

“Ang parusa ay maaaring suspensyon o pagkansela ng prangkisa. Ngunit kailangan muna naming pakinggan ang kanilang panig bilang bahagi ng *due process* na lubos naming iginagalang sa LTFRB,” pahayag ni Chairman Vigor.

Kaugnay nito batay sa paunang imbestigasyon, nabangga ng pampasaherong jeepney ang isang bus na nakaparada sa gilid ng kalsada bago ito bumangga sa isang poste. Dahil dito, 18 katao ang nasugatan, kabilang ang drayber.

Pinaghihinalaan ng pulisya na nagkaroon ng aberya sa preno ng sasakyan kaya naganap ang aksidente sa Barangay Roosevelt.

Samantala sinabi ni Chairman Vigor na iimbestigahan ang mga pangyayaring humantong sa aksidente sa kalsada, kabilang na ang pagsusuri sa kondisyon ng sasakyan kung ito ay ligtas na bumiyahe.

Batay sa SCO, may posibleng paglabag sa probisyon ukol sa kaligtasan sa kalsada, partikular na sa pananagutan ng mga operator ng PUV na tiyaking ligtas ang serbisyong ibinibigay nila sa mga pasahero.

May tatlong araw ang operator, matapos matanggap ang SCO, upang magbigay ng paliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang kanilang prangkisa. Gaganapin ang pagdinig sa kaso sa Hulyo 28.

Samantala, inatasan ni Chairman Vigor ang kinauukulang Regional Franchising and Regulatory Office na alamin ang kalagayan ng mga biktima, lalo na ang hinggil sa pagbabayad ng insurance. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here