Home METRO Jeepney drivers babayaran ng Manila LGU para sa #LibrengSakay

Jeepney drivers babayaran ng Manila LGU para sa #LibrengSakay

168
0

MANILA, Philippines – INANUNSIYO ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na sasagutin ng Pamahalaang Lungsod ang kita ng mga jeepney driver upang makapagbigay ng libreng sakay sa mga commuter.

Ayon sa alkalde, bahagi ito ng pagpapatupad ng Executive Order No. 14, Series of 2026, na naglalayong magbigay ng tulong pinansyal sa sektor ng transportasyon sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Sa ilalim ng programa, sasagutin ng city government ang arawang kita ng mga sasaling jeepney driver at operator, upang matiyak na may garantisadong kita ang mga ito habang hindi na sisingilin ang mga pasahero.

Tinatayang aabot sa ₱3,000 kada araw ang kikitain ng bawat driver, depende sa uri ng jeepney, bilang tugon sa pagbaba ng kanilang kita na umaabot na lamang sa ₱200 hanggang ₱500 kada araw dahil sa taas-presyo ng krudo.

Sinabi ni Domagoso na mahigit 1,400 jeepney ang inaasahang lalahok sa programa, na posibleng makinabang ang humigit-kumulang 100,000 pasahero kada araw sa iba’t ibang ruta sa lungsod at mga karatig na lugar.

Binuo ang programa sa loob ng 48 oras bilang agarang tugon sa epekto ng pandaigdigang krisis sa langis sa hanapbuhay ng mga driver.

Aminado naman ang alkalde na pansamantala lamang ang inisyatibong ito, na nagsisilbing “pantawid” habang limitado pa ang tulong mula sa pambansang pamahalaan.

Ang libreng sakay ay ipatutupad sa loob ng limang araw sa dalawang linggo—tuwing Lunes at Martes sa unang linggo, at Lunes hanggang Miyerkules sa susunod na linggo—na maaari pang palawigin depende sa pondo ng lungsod. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here