Home NATIONWIDE Korapsyon sa Pharmally scandal, ‘di dapat maulit sa emergency purchases ngayon —...

Korapsyon sa Pharmally scandal, ‘di dapat maulit sa emergency purchases ngayon — Kiko

169
0

MANILA, Philippines – Nagbabala si Senador Francis “Kiko” Pangilinan laban sa sinumang magsasamantala sa emergency purchases sa panahon ng national energy emergency tulad ng nangyari sa Pharmally scandal sa Duterte administration na bilyon ang napunta sa korapsyon.

Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reforms, na nasa krisis ngayon ang bansa at tulad noong pandemya—kung saan bilyon-bilyong piso ang nawala sa Pharmally scandal—hindi malayong may mga muling magtatangkang manamantala.

“Kaya malinaw ang panawagan: bantayan ang importasyon. Base sa karanasan natin bilang Chairman ng National Food Authority (NFA) Council, nakatipid ang bansa ng P7 bilyon nang higpitan natin ang Government-to-Government (G2G) importation ng bigas. Walang tongpats, walang kickback,” ayon kay Pangilinan.

Ayon kay Pangilinan, humihingi ang Philippine National Oil Company ng ₱8 bilyon, sa Philippine Planters Inc., Food Terminal Inc., at Bureau of Customs—dapat malinaw sa publiko: Ano ang volume? Ano ang presyo? Saan galing ang iimport?

“Sa ngayon, may karagdagang ₱20 bilyon para sa importasyon ng langis na inilaan ng Department of Budget and Management mula sa Malampaya Gas Fund upang tiyakin ang suplay ng fuel at maibsan ang epekto ng global oil crisis. Mayroon ding ₱500 milyon para sa biofertilizer mula sa Quick Response Fund ng Department of Agriculture,” aniya.

“Malaking pondo ang nakataya, kaya dapat mas mahigpit ang pagbabantay,” dagdag niya.

Himutok ni Pangilinan na mula sa ating karanasan noong pandemya, inabuso ang importasyon kapag walang mahigpit na pagbabantay—may nag-overimport, nag-overprice at may kumita sa gitna ng krisis tulad ng mga Chinese advisers noong nakaraang administrasyon.

“Kaya nananawagan tayo sa PROTECT Committee ng Senado: I-require ang regular na reporting, full transparency, at malinaw na updates sa paggamit ng emergency funds. Magkano ba talaga ang kailangan? Siguruhing hindi tayo nag-o-overimport at hindi nalulugi ang taumbayan. Mainam magkaroon ng transparency dashboard portal ang UPLIFT Committee para mamonitor ang paggasta sa mga pondo at paggamit ng mga commodity,” aniya.

“Hindi pwedeng ang default na solusyon ay importasyon agad. Dapat sabayan ito ng mahigpit na pagbabantay laban sa smuggling, hoarding, at profiteering.

Huwag nating hayaang maulit ang mga anomalya ng nakaraan. Bawat barkong dumarating, bawat kontratang pinipirmahan—pera ng taumbayan ang nakataya,” giit ng senador. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here