Home NATIONWIDE Jeepney modernization ‘di kasama sa priority projects ng DOTR sa 2025

Jeepney modernization ‘di kasama sa priority projects ng DOTR sa 2025

MANILA, Philippines – Hindi isinama ng Department of Transportation (DOTr) ang Public Transport Modernization Program, na dati ay tawag na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa listahan ng priority projects para sa 2025, sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) nitong Miyerkules, Agosto 21.

Ito ang paliwanag ni DBM Secretary Amenah Pangandaman kung bakit niya inaprubahan ang mas maliit na badyet na hiniling para sa equity subsidy na ibinigay ng pamahalaan sa consolidated transport groups na nais makabili ng modern jeepney units, sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program (NEP).

“Hindi nila sinama as priority project nila yung PUV modernization when we were doing our budget call,” ani Pangandaman sa media forum.

Ayon kay Pangandaman, maaari pa ring humingi ng tulong sa Kongreso ang DOTR kung nais nitong pataasin ang badyet para sa partikular na modernization component.

“If they think it’s necessary, they can maybe request funding for it. They can ask, maybe, the Congress to help them. Wala na sa atin yung budget e,” ani Pangandaman.

Sa ilalim ng 2025 NEP o proposed national budget na ipinasa sa Kongreso, nakakuha ang DOTR ng malaking budget increase na para sa infrastructure development.

“More than double yung increase ng budget nila for us to be able to fund yung mga priority projects nila like airports, ports, and mga train projects nila,” ayon kay Pangandaman.

Ang proposed budget ng DOTR para sa 2025 ay itinaas sa P180.9 billion, mula sa P73.9 billion sa 2024 General Appropriations Act. RNT/JGC