MANILA, Philippines – Kumilos si Senador Win Gatchalian para buoin ang isang matagal nang hindi aktibong mekanismo laban sa korapsyon sa pamamagitan ng pagpapatawag sa Joint Congressional Oversight Committee (JCOC) on Public Expenditures.
Layon nitong masusing bantayan ang pagpapatupad ng pambansang budget para sa taong 2026 upang sugpuin ang katiwalian.
“Ang mga repormang sinimulan natin sa proseso ng pagba-budget ay hindi nagtatapos sa paglagda ng batas. Kailangan nating talasin ang ating paningin at tiyakin ang wastong pagpapatupad ng mga programa at proyekto,” pahayag ni Gatchalian.
Binigyang-diin ni Gatchalian ang pangangailangan para sa matibay na lehislatibong pagbabantay upang mapangalagaan ang pondo ng bayan.
Nauna rito, pormal nang hiniling ng chairperson ng Senate Committee on Finance kay Senate President Tito Sotto ang pag-activate at pagpapatawag ng JCOC. Anim na senador ang hinirang upang maging miyembro ng nasabing oversight body.
Sa ilalim ng Section 113 ng Republic Act No. 12314, mandato ng Senado at ng Kamara de Representantes ang pagbuo ng isang Joint Congressional Oversight Committee upang bantayan ang pagsunod ng mga ahensya sa mga requirements at kundisyon sa paggamit ng pondo ng bayan.
Ang komite ay pinamumunuan nina Gatchalian at House Committee on Appropriations Chair Representative Mika Suansing bilang mga co-chair. Ernie Reyes