Manila, Philippines – Isang gabing puno ng musika, pagdiriwang, at ng hindi malilimutang pagtatanghal ang naganap sa 17th Star Awards for Music noong Hunyo 25, 2026.
Isa sa mga pinakatampok na bahagi ng programa ay ang pagtatanghal ng The Revival King na si Jojo Mendrez.
Binihag ni Jojo ang mga manonood sa kanyang madamdaming pag-awit ng walang kupas na OPM classic na “Yakap,” ang iconic na awiting unang pinasikat ni Junior noong dekada 80.
Sa kanyang natatanging interpretasyon, muli niyang binigyang-buhay ang minahal na kanta, ipinamalas ni Jojo hindi lang ang kanyang kahanga-hangang husay sa pag-awit kundi maging ang malalim niyang damdamin sa musika.
Dahil dito, umani siya ng masigabong palakpakan at paghanga mula sa dumalo.
Sa kabila ng mainit na pagtanggap ng publiko, inamin ni Jojo na matindi ang kanyang kaba bago siya umakyat sa entablado.
“Pakiramdam ko, parang kandilang natutunaw ako sa sobrang kaba. Akala ko hindi ko na kakayaning mag-perform. Nagdasal ako sa backstage na sana ay makakanta ako nang maayos,” pagbabahagi ni Jojo.
Ngunit ang sumunod na nangyari ay hindi niya inaasahan.
“Nagulat ako dahil may mga pagkakataon na habang kumakanta ako ay pumalakpak ang mga tao, at may ilan pang sumisigaw ng pangalan ko. Maraming salamat po sa lahat ng naka-appreciate sa performance ko,” dagdag pa niya.
Pinuri ng mga manonood ang napakaganda niyang boses at ang kanyang taos-pusong interpretasyon ng klasikong awitin.
Marami ang nagsabing isa ito sa mga pinakanatatanging pagtatanghal sa buong gabi.
Mas naging makabuluhan pa ang pagdiriwang dahil sa suportang ipinakita ng ilan sa mga nirerespeto na musikero sa bansa.
Nakitang buong pusong pumapalakpak para kay Jojo ang kilalang singer-songwriter na Moira Dela Torre at ang multi-awarded indie folk-pop band na Ben&Ben, na kilala sa kanilang mga makabagbag-damdaming awitin at natatanging harmonya.
Labis na naantig si Jojo sa ipinakitang suporta matapos niyang mapanood ang video na pinapalakpakan siya nina Moira at Ben&Ben.
“Napanood ko ang mga video pagkatapos ng event, at taos-puso akong nagpapasalamat kina Moira, Ben&Ben, at sa lahat ng mga artists na buong pusong nagustuhan ang performance ko.
“Napakalaki ng kahulugan ng kanilang suporta para sa akin, at mula sa kaibuturan ng aking puso, maraming-maraming salamat po,” ani Jojo.
Para kay Jojo, ang gabing iyon ay higit pa sa isang ordinaryong pagtatanghal. Isa itong importanteng yugto sa kanyang journey bilang isang singer na nagpatibay sa kanyang pagmamahal sa OPM at sa patuloy niyang pag-usbong sa industriya ng musika.
Ang mainit na pagtanggap ng mga manonood, ang taos-pusong pagsuporta ng publiko, at ang pagkilala mula sa kanyang kapwa singers ay naging isang alaalang kanyang pahahalagahan habambuhay.
Sa pagtatapos ng 17th Star Awards for Music, hindi lamang palakpakan ang kanyang naiuwi. Bitbit niya ang mahahalagang alaala, pusong puno ng pasasalamat, at panibagong inspirasyon upang ipagpatuloy ang pagbibigay ng bagong buhay sa mga walang kupas na klasikong awiting Pilipino para sa susunod na henerasyon ng mga tagahanga ng musika.
Para sa The Revival King na si Jojo Mendrez, ang gabing iyon ay mananatiling nakaukit sa kanyang puso—isang maliwanag na paalala na ang tunay na pagmamahal sa musika, taos-pusong sining, at walang sawang dedikasyon ay palaging makaaabot sa puso ng mga tagapakinig. JP Ignacio