MANILA, Philippines — Nakatakdang lumipat sa New York Knicks ang dating NBA 6th Man of the Year na si Fil-Am Jordan Clarkson, kasunod ng napagkasunduang buyout kasama ang Utah Jazz.
Nakatakdang pumirma ng kontrata ang dating Gilas Pilipinas guard sa Knicks, oras na makumpleto na ang buyout sa Jazz na nagsilbi niyang team mula noong 2019 kasunod ng pagkaka-trade mula sa Cleveland Cavaliers.
Noong nakaraan na season, kumamada si Clarkson ng average na 16.2 points, 3.7 assists at 3.2 rebounds sa loob ng 37 games na kaniyang inilaro.
Naging kulelat noong nakalipas na season ang Utah Jazz matapos makagawa lamang ng 17 panalo.
Nakaranas ang Utah ng 65 na pagkatalo sa 82 games sa kabuuan ng 2024-2025 season.
Inaasahang makakasama ni Clarkson sa Knicks sina star guard Jalen Brunson, big man Karl Anthony Towns at mga forward na sina OG Anunoby at Mikal Bridges.
Ang naturang core ang naguna sa Knicks para makapasok sa 2025 Eastern Conference Finals.
Posibleng magiging bahagi rin ng Knicks bench ang dating 6th Man awardee. JC