Home HOME BANNER STORY Justice chief sinopla ni Bato sa EJK sa drug war: ‘Merong police...

Justice chief sinopla ni Bato sa EJK sa drug war: ‘Merong police reports’

MANILA, Philippines – Matinding pinalagan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang paratang ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na walang police reports ang halos lahat ng maling pagpatay o extra judicial killing sa implementasyon ng war on drugs ng Duterte administration.

Sa kanyang unang pagdalo sa ginawang imbestigasyon ng Senado sa pagdakip kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na walang katotohanan ang paratang ni Remulla na walang police reports ang halos lahat ng napatay sa drug war.

Bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) si Dela Rosa ang nagsilbing chief implementer ng war on drugs na tinaguriang Oplan Tokhang na ikinamatay ng mahigit 30,000 indibiduwal kabilang ang maraming menor de edad tulad ni Kian Delos Santos sa Caloocan City.

“Diretsahang sagutin ko ‘yan—that’s a blatant lie, ‘yung sinabi ni Secretary Remulla. Talagang kasinungalingan ‘yan,” ayon sa senador.

“Hindi po totoo ‘yun na walang record. Ano natutulog ang pulis natin? Hindi nire-record? Hindi bina-blotter ang mga crime incidents na ‘yan? Hindi totoo ‘yan,” giit pa ng senador.

Naunang nagparatang si Remulla na ipinakikita ng kanilang imbestigasyon na walang police reports sa pinatay sa panahon ng drug war.

Ayon kay Remulla, pinatunayan ni forensic pathologist Dr. Raquel Fortun na kinonsulta sa war on drugs na maraming kulang sa death certificates ng biktima ng war on drugs.

“When she investigated the wrongful death situation, the death certificate indicated cardiac arrest as the cause of death. But in the autopsy, there were bullet holes in the head,” ayon kay Remulla.

“When we looked at the records of the wrongful death situations, there were really no police reports. Maybe 95% had no police reports,” paliwanag ni Remulla.

Pero, sinabi ni Dela Rosa na bilang PNP chief, pinatiyak niya sa pulisya na may dokumento na maaaring gamitin bilang depensa kapag inimbestigahan ang war on drugs.

“Siguraduhin ninyo na every death na related sa war on drugs, meron tayong case folder niyan. Naka-file ‘yan lahat do’n, starting from the spot report to the progress reports, development reports, hanggang doon sa pag-file ng kaso sa DOJ. Meron tayo niyan,” aniya.

Kasalukuyang nakakulong si Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands na nahaharap sa kasong crimes against humanity sa madugong war on drugs. Ernie Reyes