MANILA, Philippines – Maaaring kailanganing muling suriin ang Philippine Juvenile Justice Law kaugnay ng mga nagdaang mararahas na insidenteng kinasasangkutan ng mga menor de edad, kabilang ang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City noong Lunes, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Miyerkules.
Ani Lacson, dapat muling talakayin ng publiko ang mga probisyon ng batas hinggil sa pananagutang kriminal, kung saan hindi dapat awtomatikong maging dahilan ang edad upang makaiwas sa pananagutan ang mga nagkasala. Binanggit niya ang karumal-dumal na pagpatay sa isang dalawang taong gulang na bata sa England noong 1993.
“Our Juvenile Justice Law may really need revisiting and further discussion. The February 12, 1993 Liverpool, England case of 2-year-old James Patrick Bulger who was abducted and murdered by two 10-year-old boys may convince us to reconsider age as an automatic exemption from criminal liability. Discernment to be proven beyond reasonable doubt by state prosecutors as per the latest SC ruling should be safeguard enough to serve justice to all concerned,” aniya sa X.
Noong Pebrero 1993, dinukot, pinahirapan at pinatay ng dalawang 10 taong gulang na lalaki ang dalawang taong gulang na si James Patrick Bulger. Nakatawag-pansin ang kaso sa buong mundo, at ang pagkakahatol sa dalawang bata ay nagbunsod ng mga talakayan kung paano dapat timbangin ng mga sistemang pangkatarungan ang pananagutan, kaligtasan ng publiko, at rehabilitasyon ng mga kabataang nagkasala.
Nitong nakaraang Lunes, tatlo ang nasawi at ilan pa ang nasugatan matapos magpaputok ng ilang beses ang dalawang lalaking estudyante na may edad 14 at 15 sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City.
Isa sa kanila ang iniulat na gumamit ng 9-mm na pistola na pag-aari ng kanyang tiyahin na isang police staff sergeant. Ang isa naman ay gumamit umano ng isang cal-.38 revolver na nakarehistro sa isang security agency na nakabase sa Cebu kung saan sinasabing nagtatrabaho ang kanyang lolo.
Ayon sa mga imbestigador ng pulisya, pinagplanuhan umano ng dalawa ang pag-atake noon pang Mayo 1, at tinalakay pa ang Juvenile Justice and Welfare Act habang pinaplano ang pamamaril.
Sinabi naman ni Juvenile Justice and Welfare Council Executive Director Tricia Clare Oco na may mga mekanismo ang batas upang papanagutin ang mga menor de edad habang tinitiyak ang kanilang rehabilitasyon.
Sa kabilang banda, nagpasya ang Korte Suprema ng Pilipinas na may ibang pamantayan sa pagtukoy ng pananagutan ng isang menor de edad sa mga krimen, kaya kinakailangang magkaroon ng mga alituntunin upang maging mas malinaw at pare-pareho ang proseso ng pagtukoy sa discernment sa mga kasong kinasasangkutan ng mga batang lumalabag sa batas.
Diin ng Korte Suprema, walang presumption na ang isang menor de edad ay kumikilos nang may discernment. Dagdag nito, tungkulin ng prosekusyon na partikular na patunayan, bilang hiwalay na elemento, na ang umano’y krimen ay ginawa nang may discernment.
“For a minor at such an age to be criminally liable, the prosecution is burdened to prove beyond reasonable doubt, by direct or circumstantial evidence, that he or she acted with discernment,” ayon sa Supreme Court. Ernie Reyes