Home METRO Kagawad kritikal sa pananambang

Kagawad kritikal sa pananambang

ZAMBOANGA CITY- Agaw-buhay ngayon sa ospital ang isang barangay kagawad at numero unong taga-suporta ng nanalong kongresista noong Linggo sa lungsod na ito.

Inoobserbahan ngayon sa Intensive Care Unit sa Zamboanga Peninsula Medical Center ang biktimang si Barangay Tumaga Councilor Jake Niko Alaban Fabian, 31.

Batay sa report ng Zamboanga City Police Office, bandang alas-2:15 ng madaling araw naganap ang insidente sa Tumaga Porcentro, ng nabanggit na lungsod.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo nang bigla na lamang itong tambangan ng armadong suspek at pinagbabaril sa iba’t ibang parte ng katawan.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.

Agad namang dinala sa ospital ang biktima para lapatan ng lunas at nasa maselang kalagayan.

Inaalam ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa pamamaril at pagkakakilanlan sa suspek para sa agarang pagdakip.

Hindi naman inaalis ng pulisya ang motibo na may kinalaman sa politika ang pamamaril dahil masugid na taga-suporta ang biktima ng nanalong kongresista sa Zamboanga City. Mary Anne Sapico