MANILA, Philippines – Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa publiko na ganap nang handa ang pamahalaan sa pagsagawa ng makasaysayang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, kasabay ng pagsisimula ng opisyal na campaign period ngayong Huwebes.
Ang kaunaunahang halalan sa interim BARMM government ay isa ring mahalagang hakbang sa paglipat ng liderato nito tungo sa isang demokratikong halal na pamahalaang pang-rehiyon.
Sinabi ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo na ang ang pagtitiyak ni Pangulong Marcos ay kasunod ng pag-anunsiyo ng Commission on Elections na natapos na ang printing ng tinatayang 2.3 milyong opisyal na balota para sa September 14 BARMM elections, na siyang nagbibigay-daan para sa susunod na yugto ng ballot verification at deployment.
Ayon kay Lagdameo, batay sa ulat ng Comelec, ang matagumpay na pagkumpleto sa printing ng mga balota ay patunay ng pagsunod ng poll body sa itinakdang timetable nito, sa kabila ng mga pagbabagong dulot ng batas na naglipat ng halalan sa BARMM mula Marso patungong Setyembre ngayong taon.
Inilipat ang petsa ng halalan matapos maisabatas ang Republic Act No. 12317, na nilagdaan ni Pangulong Marcos noong Marso, upang mabigyan ng sapat na panahon ang pagpapatupad ng bagong pagkakahati ng mga parliamentary district kasunod ng pag-alis sa Sulu sa autonomous region.
Habang nagsisimula ngayong araw ang pangangampanya ng mga kandidato sa buong rehiyon, muling iginiit ng mga ahensiya ng pamahalaan ang kanilang pangako na tiyaking magiging mapayapa, maayos at kapani-paniwala ang halalan sa pamamagitan ng mahigpit na koordinasyon ng Comelec, mga puwersang panseguridad at pamahalaang Bangsamoro.
Ang eleksyon ay itinuturing na isang mahalagang yugto sa proseso ng kapayapaan sa Bangsamoro dahil sa unang pagkakataon ay direktang makapipili ang mga botante ng mga miyembro ng Bangsamoro Parliament, na papalit sa itinalagang Bangsamoro Transition Authority na namahala sa rehiyon mula nang ito ay itatag noong 2019.
Umaasa ang mga political observer na pagtutuunan ng kampanya ang pamamahala, kaunlarang pang-ekonomiya, kapayapaan at seguridad, imprastruktura, edukasyon, at sa patuloy na pagpapatupad ng Bangsamoro Organic Law. Layunin naman ng Umaasa ang mga political observer na tututok ang kampanya sa pamamahala, kaunlarang pang-ekonomiya, kapayapaan at seguridad, imprastruktura, edukasyon, at sa patuloy na pagpapatupad ng Bangsamoro Organic Law. Layunin naman ng mga naglalabang political parties na kumbinsihin ang mga botante na sila ang higit na may kakayahang mamuno sa autonomous region sa susunod na yugto ng pagtatayo ng mga institusyon.
Nauna nang sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ang mga natapos nang balota ay sasailalim muna sa mahigpit na proseso ng beripikasyon bago ihatid sa iba’t ibang voting center upang matiyak ang pagiging tugma ng mga ito sa automated election system at mabawasan ang mga posibleng teknikal na problema sa araw ng halalan.
Pinaigting din ang mga paghahanda sa seguridad habang patuloy na nagpapatupad ang mga awtoridad ng mga hakbang na may kinalaman sa halalan upang maiwasan ang karahasan at mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa buong panahon ng kampanya at halalan.
Binigyang-diin ng mga opisyal ng pamahalaan sa ilang pagkakataon na mahalaga ang matagumpay na parliamentary election sa pagpapalakas ng mga demokratikong institusyon sa Bangsamoro at pagpapanatili ng mga nakamit na tagumpay sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.
Ang kauna-unahang regular BARMM parliamentary elections ay inaasahang magbibigay-daan sa pagkakaroon ng isang ganap na halal na regional parliament, na isang mahalagang yugto na nakapaloob sa Bangsamoro Organic Law at sa mas malawak na kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front.
Sa pagsisimula ng panahon ng kampanya at sa pagpasok ng mga paghahanda sa halalan sa huling yugto, nagpahayag ng kumpiyansa ang mga awtoridad na maipakikita ng halalan sa Setyembre ang pangako ng bansa para sa isang mapayapa, malinaw at kapani-paniwalang demokratikong proseso sa Bangsamoro region. RNT