MANILA, Philippines – Kinastigo ni Senador Risa Hontiveros ang pagkansela sa February 25 kada taon bilang holiday ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang paggunita sa EDSA People Power Revolution na nagpatalsik sa diktadurya ng rehimen ng ama nitong si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sa pahayag sa pagdiriwang ng ika-39 taon ng EDSA People Power Revolution, sinabi ni Hontiveros na hindi kayang burahin sa kasaysayan ng Pilipinas ang naturang pangyayari dahil paninindigan ito sa kalayaan, demokrasya at katarungan.
Magugunita na inilunsad ang EDSA People Power Revolution noong February 1986 matapos matuklasan na nandaya ang diktaduryang Marcos sa Halalan na pinangunahan ni dating Pangulong Cory Aquino.
“Kaya kahit ilang holiday pa ang icancel ng Malakanyang, mananatiling buhay ang diwa at mensahe ng People Power – lalo na sa kabataang Pilipino na naninindigan at nagsasalita para sa kalayaan, hustisya at sama-samang pag asenso,” ani Hontiveros.
Aniya, aabot na sa edad 20 nang lumahok siya sa milyong Filipino na nagtungo sa EDSA noong 1986 upang isigawa, wakasan ang 20-taong diktadurya ni Marcos, at lumaban sa demokrasya, karapatang pantao at dignidad at magkaroon ng mas magandang hinaharap ang bansa.
“That is why I am immensely happy and proud to see that our students, teachers, schools, universities and youth organizations are taking the lead in commemorating this year’s EDSA People Power Revolution, even without a state holiday,” ayon kay Hontiveros.
Sinabi pa ni Hontiveros na dapat maging inspirasyon ang EDSA People Power Revolution sa kabataan at hindi dapat matakot sa panggigipit ng Estado at ibasura ang baluktot ng gawain ng tiwaling opisyal ng pamahalaan.
“We should take inspiration from the courage of our young kababayans, and never be cowed into fear and inactivity. We must speak truth to power, overcome disinformation and historical distortion, and continue to resist the corruption, violence, and lust for power of those who are supposed to serve the nation,” aniya.
Iginiit pa ni Hontiveros na huwag tayo dapat mapagod, magsawa at matakot na kumilos para sa tama, lalo na ngayong nag-aaway ang magkabilang kampo ng Marcos at Duterte na kapwa nagnanais na maghari-harian sa bansa. “Now more than ever, we must not stay silent.”
“Tandaan natin na kahit natanggal ang diktador noong 1986, hindi pa rin tapos ang laban para sa malinis na gobyerno at maunlad na bayan. Buhay na buhay pa rin ang korapsyon, cronyism at pamamayagpag ng oligarkiya sa lipunan. Naghihirap pa rin ang marami sa maliit na sweldo, mataas na presyo ng bilihin at kulang na pabahay. Nariyan pa rin ang pang-aabuso sa kapangyarihan, ang kawalan ng hustisya at ng pagkakapantay-pantay,” aniya.
“Marami pa tayong kailangan pagsumikapan bago makamit ang pangakong hatid ng EDSA People Power Revolution. Pero gaya ng nasaksihan ng buong mundo noon, walang imposible sa nagkakaisang pagkilos ng sambayanan,” paliwanag pa ng senadora. Ernie Reyes