Home OPINION KALAMIDAD BALAKID SA PAGBANGON NG EKONOMIYA

KALAMIDAD BALAKID SA PAGBANGON NG EKONOMIYA

ITINUTURING na malaking hadlang sa pag-angat ng ekonomiya ang mala-delubyong kalamidad na tumatama sa bansa tuwing dumarating ang buwan ng Mayo hanggang Disyembre.

Kadalasan ay malalakas na bagyo na nagmumula sa karagatan ng Pasipiko ang dumarating sa ‘Pinas na sadyang malaking perhuwisyo sa ari-arian at sektor ng agrikultura na pinaniniwalaang pangunahing pangkabuhayan pa rin ng nakararaming kababayan.

Kagaya nitong kalalabas lang sa PAR na super typhoon na si Egay kung saan binayo ang halos lahat ng lalawigan sa Ilocos Region at umabot sa P2.9 bilyon halaga ng produktong agrikultura mula sa 163,722 na magsasaka at mangingisda roon kabilang ang 98,217 libong metriko toneldang pananim at laman-dagat.

Ilang taon na naman kaya ang bubunuin ng sektor na ito bago makabangon sa pinsala ng naturang kalamidad na sadyang inilubog ang libo-libong ektarya ng mga pananim?

Sabihin man na mariing ipinag-utos ni PBBM na kalihim din ng Department of Agriculture,sa kanyang mga Regional Director at iba pang opisyal ng kagawaran na gawin ang lahat ng paraan upang matulungan ang mga magsasaka’t mangingisdang naapektuhan subalit pinaniniwalaang hindi agarang makakarekober ang tinutumbok na food producer ng bansa.

Batid ng sambayanan ang kaliwa’t kanang programa ng Pangulo na ipinatutupad sa ahensyang ito na tuluyan nang mag-aangat ng ekonomiya ng bansa at magtutuldok sa kakulangan ng pagkain na ugat din ng hindi maawat na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin.

Ngunit hangga’t may malalakas na bagyong patuloy na bumibisita rito,hindi rin diretsong sisipa ang pag-unlad nito na umaangat na sana patungo sa isang self sufficient na nasyon na hindi na umaasa sa importasyon upang suplayan ang pangangailangan ng mamamayan.

At ilan pang mala delubyong kalamidad ang inaasahang papasok sa bansang hindi pa nga humuhupa ang malawakang pagbaha sa Rehiyon 1 hanggang 3 ay may napipintong sama ng panahon na namang namumuo sa Minadanao na posibleng pa rin na maging isang ganap na bagyo?

Sa madali’t sabi,sa bawat unos na dumarating sa atin ay katumbas nito ang malaking halaga para makarekober ang madalas tamaan na mga magsasakang maigugugol na sana sa malalaking programa ng gobyerno upang tuloy-tuloy na ang pag-angat ng ekonomiya nito.