Home OPINION GOBYERNO O PRIBADO?

GOBYERNO O PRIBADO?

NAALALA ko lang ang mga leksyon ko noong college ako.  ‘Yun bang papel ng gobyerno sa lipunan.   Malinaw na natutunan ko kasi, na ang mga mamamayan ay pumipili ng mga lider para mamahala sa bansa.   At ang mga negosyante at mga pribadong korporasyon ay kumikita naman sa pagbibigay ng mga produkto at nagbibigay ng serbisyo sa mga tao at sa gobyerno.

Kaya ang gobyerno ay namamahala at ang pribadong sector ay nagnenegosyo, pero pareho ang misyon nilang dalawa.  Dapat nilang gawin na mas maayos, mabuti at komportable ang buhay ng mga mamamayan.

Pero paano kung bibitawan o ibibigay ng gobyerno ang obligasyon n’ya sa pribadong sektor? Ano kaya ang mangyayari?

Ito ang tingin ko ang problemadong sitwasyon natin ngayon.   Privatization ang tawag dito.  Isang paraan ng pamamahala na ibibigay ng gobyerno ang bahagi ng mga obligasyon na patatakbuhin na ng mga korporasyon.

Ang paniwala kasi ng mga nagtutulak nito, diumano ay mas mahusay na mag-deliver ng serbisyo ang mga korporasyon tulad ng pagkain, kuryente, tubig, at pati transportasyon.   Kasi raw mas efficient at mas mabilis kumilos ang private sector.   At mas kabisado raw ng mga korporasyon ang pasikot-sikot ng kanilang produkto, serbisyo at merkado, kaya mas mabisa raw na sila na ang magpatakbo ng mga serbisyo para sa mga tao.

‘Ika nila, mas maliit na papel ng gobyerno sa mga buhay natin, mas makabubuti raw sa pangkalahatan.

Pero hindi ito totoo.   Ang realidad kasi, hindi naman lubusang malinis at matuwid ang pagpapatakbo ng negosyo.  Meron mga kompanya na mas mayaman at mas maraming koneksyon kesa sa iba.   ‘Andyan din ang korapsyon kung sino ang mga makakuha ng kontrata. At syempre sa huli, ang iisipin ng isang negosyante ay ang kumita kesa sa kapakakan ng mga ordinaryong mammimili o mga konsyumer.

Ito lang ang paliwanag na nakikita ko kung bakit deretso pa rin ang pagtaas ng mga presyo ng bigas, kuryente, tubig at pamasahe.   Kasi masyado na tayong umasa sa mga pribadong sektor.

At hindi na gobyerno ang obligadong seguruhin ang mga bagay na ito ay mapapakinabangan ng mga mamamayan.