Home OPINION KALIDAD NG BUHAY NG MGA PINOY BUMABA – SWS

KALIDAD NG BUHAY NG MGA PINOY BUMABA – SWS

KUNG totoo ang sarbey ng Social Weather Station na bumaba ang kalidad ng pamumuhay ng mga Pinoy pagdating ng Enero 2025 kumpara noong 2024, dapat na mabahala ang pamahalaan.

Dapat talagang mabahala ang pamahalaan dahil taliwas ito sa ipinangangalandakan nitong nagtatagumpay laban sa kahirapan.

Batay sa sarbey, halimbawang 100 milyon ang mga Pinoy, 25 milyon ngayon ang nagsasabing sumama ang kanilang pamumuhay kumpara sa 23 milyon nitong Disyembre.

Naging 32 milyon na lang din ngayon mula sa 36 milyon nitong Disyembre rin ang nagsabing gumanda.

Nasa 43 milyon naman ang nagsabing hindi nagbago.

At lumitaw na nagaganap ito sa buong bansa.

Ano-ano nga kaya ang mga dahilan ng ganitong kalagayan sa pamumuhay?

Dapat kalkalin ng pamahalaan ang mga dahilan.

Pero kung tatanungin mismo ang mga mamamayan, malawakan ang karanasan at katotohanan na kabilang sa mga dahilan ang sobra nang mataas na presyo ng mga bilihin na hindi kayang tapatan o habulin ng kita.

Totoo na pilit na pinamumura ang bigas ng gobyerno ngunit pinayagan naman nitong magmahal ang 62 pangunahing bilihin, kasama ang maraming pagkain, materyales sa paggawa ng bahay, gamot, gamit sa produksyon ng pagkain at iba pa.

Nilulunod ng nagmahal na mga pagkain at iba pa ang pinamumurang bigas na kakaunting lugar lang naman mabibili.

Isa pa, nalululong ngayon ang matataas na lider at politiko sa paninira sa kanilang mga kalaban mula ngayon hanggang 2028 at gumagastos ang mga ito ng malalaking halaga para makuha ang suporta ng mga lider at politiko sa ibaba ngunit nasaan ang pagbuhos ng suporta sa nakararaming naghihirap na mamamayan?

Naririyan pa ang hindi masukat na korapsyon na malinaw na nakikita sa pananalasa ng mga baha sa kabila ng P500 bilyong proyekto ng mga lider at politiko laban dito sa nakaraang dalawang taon.

Tanong: Hindi kaya ang agawan sa kapangyarihan para magpayaman sa pwesto ang isang malaking ugat ng sumasamang kalagayan ng mga mamamayan?