Home OPINION PONCIO PILATO AT MGA HUDAS

PONCIO PILATO AT MGA HUDAS

MAY isang kasabihan na naman tayong napatunayan na sadyang totoo.

Sa pulitika ay walang permanteng kaibigan. Ang permanente lang ay ang kanya-kanyang interes ng mga politiko.

Nagulat ang marami sa mabilisang pag-transmit sa Senado ng Impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Karamihan sa pumirma ay mga dating kaalyado ni VP Sara.

Mga dating nag-udyok sa kanya na tumakbong Presidente ng Piipinas ngunit mas pinili niyang maging bise-presidente para pagbigyan ang ambisyon ni Ferdinand Marcos, Jr.

At heto na nga, kasaysayan na ang nangyari. Nagbaligtaran ang mga kakampi ni VP Sara ay ngayo’y sumusuporta sa pagpapataksik sa kanya sa pamamagitan ng Impeachment.

Personal na interes ng mga lumagdang mambabatas ang nakikitang dahilan.

Marami sa kanila ang reeleksyonista sa darating na halalan sa Mayo 12. At natural, nangangailangan sila ng pondo para sa kampanya.

Sinasabing may dumaloy na malaking halaga ng pera patungo sa bank account ng pro-Impeachment solons. Wala na silang poproblemahin sa pambili ng boto. Ayos na ang buto-buto.

Pero hindi nila maiaalis ang hinala ng taumbayan na ang Impeachment laban kay VP Sara ay “smoke screen” lamang ng mga totoong isyu sa ating bansa: Ang unconstitutional Bicam Report, ang bangkaroteng PhilHealth, ang food emergency, paglala ng krimen at droga at marami pang iba.

Lumitaw kung gaano kabulok ang estilo ng ating mga mambabatas.

Bukod sa mga ingay na ito, ang Impeachment ay tunay na rebelasyon na sa pulitika, nalalantad kung sino ang Poncio Pilato at mga kalahi ni Hudas.

Ala-Poncio Pilato na naghugas kamay si Pangulong Marcos na hindi raw siya nakialam sa Impeachment pero ang kanyang anak na si Sandro ang unang lumagda para maiparating ito sa Senado habang ang kanyang pinsan na si Speaker Martin Romualdez ang mastermind naman nito sa Kongreso.

Nahubaran din ng maskara ang mga politikong tulad ni Hudas na sinasamba ang pera, kapalit ng premyong pondo sa paglagda sa Impeachment kaysa isipin ang magiging resulta ng kanilang ginawa sa ating bansa.
Sa totoo lang, ang Impeachent na ito ay hindi lang maglalagay lalo kay VP Sara sa spotlight.

Ibinunyag nito na sadyang mga balat-buwaya at kung ano ang tunay na kulay ng mga politiko sa Pilipinas…basta pagdating sa usaping kuwarta at kapangyarihan.