Home NATIONWIDE Kamara, ‘di nag-fishing expedition sa VP impeachment inquiry — Luistro

Kamara, ‘di nag-fishing expedition sa VP impeachment inquiry — Luistro

1
0

MANILA, Philippines – Pinalagan ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro ang alegasyon ng kampo ng depensa na naging isang “fishing expedition” o walang basehang paghahanap ng ebidensya ang imbestigasyon ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.

“The House of Representatives never delved into a fishing expedition,” mariing pahayag ni Luistro sa isang press briefing matapos ang unang araw ng impeachment trial sa Senado.

“Everything that we did is legal, constitutional, lawful,” giit nito.

Bilang chairman ng House Committee on Justice na nag-imbestiga sa mga verified impeachment complaint, tiniyak ni Luistro na dumaan sa tamang proseso at ganap na sumunod sa Saligang Batas, Rules of Procedure in Impeachment Proceedings, at mga umiiral na jurisprudence ang kanilang komite.

“What we did are all in accordance with what is provided in the rules of impeachment, the Constitution, and even existing jurisprudence. In fact, I always say, we followed the rules to the letter. Ibig sabihin, hanggang sa kaliit-liitang punto ng rules, sinunod ng House of Representatives,” paliwanag nito.

Sa naging opening argument ni Atty. Sheila Sison, ang lead defense counsel ni Duterte, inakusahan nito ang House justice panel na nagsagawa ng isang “mini-trial” at “fishing expedition” bago pa man nakarating ang mga Articles of Impeachment sa Senado.

Matatandaang pinangunahan ni Luistro ang pagsusuri ng komite sa mga documentary evidence at pagdinig sa mga testigo hinggil sa mga akusasyon laban sa bise presidente.

Kabilang sa mga binalangkas ng komite ang paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, pagkakaroon ng unexplained wealth, panunuhol sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd), at pambabanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.

Matapos ang masusing pagsisiyasat, nagpasya ang komite na may sapat na batayan upang irekomenda ang pagpapatalsik kay Duterte, na kalaunan ay pinagtibay ng buong Kamara at ipinadala sa Senado, na kasalukuyan nang umuusad bilang isang impeachment court. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here